ni Lolet Abania | August 22, 2021
Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng 142 volcanic earthquakes sa nakalipas na 24-oras sa Taal Volcano ngayong Linggo. Kabilang dito ang 125 volcanic tremor events na tumagal ng 1-40 minuto, 16 na low-frequency volcanic earthquakes, isang hybrid event, at low level background tremor na na-detect simula pa noong Hulyo 7.
Naglabas din ng plumes ang bulkan mula sa main crater nito sa nakalipas na 24-oras dahil sa upwelling ng mainit na volcanic fluids. Umabot naman ang plumes ng 2,400 metrong taas bago napadpad sa bahaging kanluran timog-kanluran at hilagang-kanluran.
Nagbuga rin ng sulfur dioxide ang bulkan na may sukat na 5,973 tonelada nitong Sabado. Ayon sa ahensiya, ang vog ay nararanasan pa rin sa buong Taal Volcano at sa paligid nito. Sinabi pa ng PHIVOLCS, “The Taal Volcano Island (TVI) continues to deflate as the Taal region undergoes very slow extension.”
Nakataas pa rin sa Alert Level 2 ang buong lugar sa Bulkang Taal. Nagbabala naman ang PHIVOLCS sa publiko na patuloy na mag-ingat sa pagkakaroon ng biglaang steam or gas-driven explosions, volcanic earthquakes, minor ashfall at lethal accumulations o pagsabog ng volcanic gas na posibleng mangyari sa mga lugar na malapit at sa paligid ng TVI.
Patuloy ang paalala ng ahensiya na iwasan na magtungo sa TVI at sa mga lugar na nasa permanent danger zone (PDZ). Ipinagbabawal din ang pagpunta sa laot at pamamangka sa Taal Lake, gayundin ang mga piloto na iwasang mapadpad sa paligid ng bulkan dahil sa posibleng biglaang pagsabog nito. Pinaalalahanan naman ng PHIVOLCS ang mga local government units na patuloy na maghanda sa anumang mangyayari sa Bulkang Taal.