ni Lolet Abania | March 30, 2022
Sinuspinde ang klase sa 19 na paaralan na apektado ng nagaganap sa Bulkang Taal sa Batangas, ayon sa Department of Education (DepEd).
Sa Talk to the People na ipinalabas ngayong Miyerkules, sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na ang mga naturang eskuwelahan ay matatagpuan sa loob ng danger zones sa paligid ng bulkan.
“Mga 19 schools nag-suspend na tayo ng classes dahil ang primary (concern) natin ay protection of children,” saad ni Briones. Base sa datos ng DepEd, 17 sa mga paaralan ay nasa Agoncillo at dalawa naman sa Laurel.
Ayon kay Briones, nagmo-monitor na ang DepEd kaugnay sa kaligtasan ng mga mag-aaral. Binanggit naman ng opisyal na dini-discourage ng ahensiya ang paggamit ng mga paaralan bilang evacuation centers.
Subalit, sakaling magkaroon ng matinding sakuna gaya ng eruption ng Bulkang Taal, pinapayagan ng DepEd na gamitin ang mga pasilidad na gawing temporary shelters. “May schools tayong ginagawang evacuation centers like Agoncillo,” ani Briones.
Sinabi pa ni Briones, na nakikipagtulungan na ang DepEd sa Department of Health (DOH) at Department of the Interior and Local Government (DILG) para makapagbigay ng assistance sa mga bata, kabilang na ang pamamahagi ng health kits.