ni Mai Ancheta | June 4, 2023
Nakabantay ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) dahil sa mga naitalang mahinang aktibidad ng Taal volcano.
Ayon sa Phivolcs, simula alas-6:35 ng umaga noong Biyernes ay nakapagtala sila ng mahihinang pagyanig ng bulkan mula sa lahat ng 15 seismic stations ng Taal Volcano Network.
Kasabay ng mahihinang pagyanig ang pag-akyat ng volcanic fluid mula sa crater lake ng bulkan na naitala sa remote cameras ng Phivolcs.
Mayroon ding naitalang bahagyang pagtaas sa pagbuga umano ng asupre sa bulkan sa nakalipas na dalawang linggo.
Sinabi ng Phivolcs na posibleng itaas sa level 2 ang alerto sa Bulkang Taal kapag nagpatuloy ang mga naitalang mahinang pagyanig sa mga susunod na araw.
Nagbabala ang ahensiya sa publiko na iwasang pumasok sa isla kung saan naroon ang Bulkang Taal dahil deklarado na itong permanent danger zone.