ni Mai Ancheta | June 23, 2023
Naalarma ang mga residente ng Bgy. Boot at Bgy. Wawa sa Tanauan City, Batangas nitong Miyerkules ng umaga matapos tumambad sa kanila ang mga naglutangang mga bato sa Taal Lake at nag-amoy asupre ang paligid.
Pasado alas-10 ng umaga nitong Miyerkules nang makita ng mga residente ang mga bato sa lawa.
Agad namang pinawi ni Dr. Amor Calayan, head ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ang pangamba ng mga residente.
Ayon kay Engineer Ronald Pigtain, Officer-in-Charge ng Phivolcs Taal Observatory na batay sa pagsusuri, ang mga lumutang na bato ay mga scoria o volcanic rocks na naipon sa volcano island mula sa dating mga pagputok ng Bulkang Taal.
Posible umanong natangay ng malakas na mga pag-ulan ang volcanic materials at umagos sa lawa hanggang sa bahagi ng Tanauan City.
Nilinaw ng Phivolcs na walang kinalaman ang lumutang na volcanic rocks sa aktibidad ng bulkan na nakataas ngayon sa Alert Level 1.