top of page
Search

ni Eli San Miguel - Trainee @News | November 23, 2023





Nakapagtala ng mas mataas na seismic activity ang Bulkang Taal, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ngayong Huwebes.


Ngayong Nobyembre 23, naitala ng aktibong bulkan sa Batangas ang 66 na volcanic tremors na may tagal mula isa hanggang limang minuto, isang pagtaas mula sa 48 na naitala noong Nobyembre 22.


Ayon din sa Phivolcs, umabot ang paglabas ng sulfur dioxide sa average na 4,991 tonelada bawat araw hanggang Nob. 20.


Napansin rito ang "moderate" emission of plume na may taas na 1,000 metro bago ito lumutang pa-southwest.


Kasalukuyan pa ring nasa Alert Level 1 ang Bulkang Taal na nangangahulugang nasa low-level unrest ang kalagayan nito.


Binabalaan ang publiko sa mga posibleng panganib na maaaring maganap, kabilang ang explosions, volcanic earthquakes, minor ashfall, at lethal accumulations o expulsions of volcanic gas.


Ipinagbabawal din ang pagpasok sa Taal Volcano Island na isang permanenteng danger zone, lalo na sa Main Crater at Daang Kastila fissures, pati na rin ang pagtambay at pamamangka sa Taal Lake.

 
 

ni Mai Ancheta @News | September 29, 2023




Tone-toneladang isda ang namatay at lumutang sa mga palaisdaan sa Bgy. Banyaga, Agoncillo, Batangas.


Ayon sa Agoncillo Municipal Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (MPDRRMO), karamihan sa mga tinamaan ng fish kill ay mga alagang bangus at tilapya sa lawa ng Taal.


Unang napansin ang fish kill noong Martes, Setyembre. 26 at kada araw ay parami nang parami umano ang lumulutang sa lawa.


Humihingi na ng tulong ang mga may-ari ng fish cages sa lokal na pamahalaan dahil hindi na nila kayang ibaon ang mga isda dahil sa dami ng namatay at bumabaho na umano ang mga palaisdaan sa Bgy. Agoncillo.


Inaalam na ng MPDRRMO kung ano ang naging sanhi ng pagkamatay ng mga isda at kung gaano kalaki ang pinsala ng fish kill.


Wala pang maibigay na datos ang local government unit kung magkano ang halaga ng pinsala na idinulot na fish kill.



 
 

ni Madel Moratillo @News | July 16, 2023




Aabot sa 300 toneladang bangus ang namatay sa mga fish cage dahil sa fish kill na tumama sa Taal Lake, Batangas, na nagsimula pa noong Huwebes.


Ayon kay BFAR Calabarzon Regional Director Sammy Malvas, nasa 300 toneladang bangus na ang namatay sa mga fish cage sa Sampaloc, Talisay, Batangas.


Umaabot na sa P33.6 milyon ang halaga ng mga namatay na isda.

Ipinaliwanag na ang sanhi umano ng fishkill ay ang biglaang pagbabago ng klima sa Taal Lake at walang kinalaman ang pag-aalburoto ng Bulkang Taal.


Matatandaang nitong mga nakaraang linggo ay napakainit ng panahon pero biglang bumuhos ang ulan nitong Huwebes. Dahil dito, biglang lumabo ang tubig na nagkulay putik.


Tinatawag ng mga lokal na “duong” o overturn ang biglaang pagpapalit ng tubig sa Taal Lake, kung saan ang tubig sa ilalim ng lawa ay mapupunta sa ibabaw kaya bumabagsak ang dissolved oxygen.


Kaugnay nito, hindi pa masabi ng BFAR kung kailan babalik sa normal ang lagay ng tubig sa lawa kaya pinapayuhan ang mga fish cage operator na hanguin na ang mga alagang tilapia at bangus lalo na kung ito ay nasa sapat nang gulang.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page