ni Mary Gutierrez Almirañez | March 11, 2021
Dalawampung bahay at 40 pamilya ang apektado sa naganap na sunog sa Dagupan Extension Bgy. 155 Zone 14, Tondo, Maynila kaninang alas-4 nang madaling-araw, Marso 11, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Batay sa ulat, napabayaang kandila mula sa bahay ng pamilya Liwanag ang pinagmulan umano ng sunog. Kaagad kumalat ang apoy sa katabing junkshop hanggang sa tuluyan na ring nadamay ang mga magkakadikit na bahay na yari lamang sa kahoy.
Sa ngayon ay apulado na ang sunog, kung saan tinatayang P100,000 na halaga ng mga ari-arian ang natupok. Samantala, ang mga residente ay nagsimula na ring bumalik sa kanilang bahay para maghanap ng mga kagamitan na puwede pang mapakinabangan.
Wala namang iniulat na nasugatan sa insidente. Iyon nga lang, kapansin-pansing hindi na nasusunod ang social distancing at iba pang health protocols laban sa COVID-19.