top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 25, 2021




Patay ang mag-asawang senior citizen matapos ma-trap sa nasusunog nilang bahay sa Barangay Roxas District, Quezon City kaninang ala-una nang madaling-araw, Marso 25, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).


Batay sa ulat, bumalik sa ikalawang palapag ang 78-anyos na babae para iligtas ang asawa niyang 79-anyos na bedridden ngunit sa kasamaang-palad ay bumagsak ang sahig na yari sa kahoy at doon na sila tinupok ng apoy.


Sa pagresponde ng mga bumbero ay kinailangan nilang umakyat sa bubong upang maabot ng tubig ang likurang bahagi ng nasusunog na bahay.


Tumagal nang mahigit isang oras ang sunog at sa paghupa nito ay tinatayang mahigit P3 milyon ang halaga ng mga napinsalang ari-arian.


Sa ngayon ay inaalam pa ng BFP ang sanhi ng sunog. Wala namang iniulat na nadisgrasyang residente maliban sa namatay na mag-asawa.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | March 20, 2021




Patay ang limang katao matapos masunog ang isang bahay sa Corinthian Gardens, Barangay Ugong Norte, Quezon City ngayong Sabado.


Ayon sa ulat, ang mga nasawi ay miyembro ng pamilyang nasunugan ng bahay at dalawa rin ang naitalang sugatan sa insidente.


Umabot sa second alarm ang sunog na nagsimula sa ikalawang palapag ng bahay, ayon sa Bureau of Fire Protection.


Ayon kay BFP-QC chief of operations Fire Chief Inspector Joseph Del Mundo, nahirapan ang mga bumbero sa pag-apula ng apoy dahil sa secured grills at makakapal na bintana ng bahay. Madilim din diumano at walang emergency light.


Bandang alas-5:25 AM nang naapula ang apoy at tinatayang aabot sa P50 million ang naiwang pinsala ng insidente. Samantala, patuloy pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang awtoridad.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page