top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 16, 2021



Pansamantalang isinara ang emergency room (ER) ng Philippine General Hospital (PGH) at hindi muna tatanggap ng mga pasyenteng ia-admit dahil sa naganap na sunog ngayong Linggo nang madaling-araw, ayon sa spokesperson ng ospital.


Pahayag ni Spokesperson Dr. Jonas del Rosario, "Pakiusap po muna, sarado ang PGH ng pag-admit ng kahit ano... Sarado ang ER ng PGH starting today.” Nagsimula ang sunog sa linen area ng operating room sterilization area (ORSA) ng ikatlong palapag ng ospital.


Ayon kay Del Rosario, sinubukang apulahin ang apoy ng staff ng ospital ngunit nabigo ito. Mabilis namang inilikas ang mga pasyente. Saad ni Del Rosario, "'Yung iba, nasa chapel, sa driveway, sa quadrangle, sa corridor.


'Yung mga sanggol, bagong panganak, kailangan nasa nursery, inilipat namin ‘yung 12 na babies sa Sta. Ana Hospital. "May ilan ding pediatric patients na inilipat sa ibang private hospitals.”


Dahil inilikas din ang mga pasyenteng positibo sa COVID-19, siniguro rin ng pamunuan ng ospital na hindi sila masama sa iba pang pasyente.


Saad pa ni Del Rosario, "Na-secure sila at we made sure na hindi mahalo sa non-COVID patients.” Idineklarang fire out kaninang alas-5:41 nang umaga.


Wala namang nasawi sa insidente at ang ibang pasyente ay nakabalik na sa kanilang kuwarto. Samantala, inaalam pa rin ng awtoridad ang sanhi ng sunog.


 
 
  • BULGAR
  • May 16, 2021

ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 16, 2021



Nasunog ang ikatlong palapag ng Philippine General Hospital (PGH) sa Taft Avenue, Manila ngayong Linggo, bandang alas-12:41 nang madaling-araw.


Itinaas sa ikalawang alarma ang sunog bandang 2 AM at mabilis na inilikas ang mga pasyente kabilang na ang mga may COVID-19.


Walang iniulat na nasaktan sa insidente ngunit ayon kay Fire Senior Inspector Hector Agadulin, chief of operations ng Bureau of Fire Protection-Manila, dahil nagmula ang sunog sa linen area ng operating room, mabilis na kumalat ang apoy dahil sa mga tela.


Ayon naman kay Senator Richard Gordon, chairman ng Philippine Red Cross (PRC), kabilang ang mga PRC personnel sa rumesponde sa insidente.


Aniya, “I have ordered to dispatch 2 fire trucks and 6 ambulances to extinguish the fire, provide first aid and transport patients right away.”


Samantala, idineklara ng Bureau of Fire Protection-Manila na under control na ang apoy bandang alas-2:46 nang madaling-araw. Nagdeklara naman ng fire out kaninang 5:41 AM. Iniimbestigahan pa ng BFP ang sanhi ng sunog. Ayon naman sa Manila Public Information Office, 12 pasyente ng PGH ang dinala sa Sta. Ana Hospital.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page