ni Mary Gutierrez Almirañez | April 14, 2021
Nilamon ng apoy ang 100 bahay sa Barangay Panapaan III, Bacoor, Cavite nitong Martes, kung saan mahigit P500,000 ang idinulot na pinsala.
Wala namang iniulat na nasaktan sa insidente. Gayunman, tumagal nang halos isang oras ang pag-apula sa sunog ng mga bumbero dahil sa makipot na daan at yari sa light materials ang paligid kaya mabilis na kumalat ang apoy.
Kaugnay nito, isa ring sunog ang naganap sa Riverside, Barangay Sauyo, Quezon City kagabi, dahil umano sa mga batang naglalaro ng kandila. Sa ngayon ay inaalam pa ang halaga ng mga napinsala sa 7 bahay na tinupok ng apoy.
Pansamantalang nag-evacuate sa Sauyo Elementary School ang mga residenteng nawalan ng tirahan. Nananawagan din sila para sa kaunting tulong at ilang kagamitan upang makapagsimula muli.
Batay naman sa tala ng Bureau of Fire Protection National Capital Region (BFP NCR), tinatayang 799 na sunog na ang naganap sa buong Metro Manila simula nitong Enero.