ni Maeng Santos @News | September 20, 2023
Tinatayang milyong halaga ng mga produkto ang naabo matapos sumiklab ang dalawang magkasunod na sunog sa magkahiwalay na lugar sa Malabon at Valenzuela Cities.
Unang tinupok ng apoy ang bodega ng medyas at tuwalya sa Gov. Pascual Avenue, Bgy. Catmon, Malabon City matapos mapuna ng nagrorondang guwardiya na umaapoy na ang dulong bahagi ng bodega, alas-9:58 ng gabi.
Kinailangan pang wasakin ng mga bumbero ang pader ng bodega, pati na ang paggamit ng heavy equipment upang maalis ang bumagsak na bubong para mapadali ang pag-apula sa apoy.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago ideklarang under control alas-11:30 ng gabi hanggang sa tuluyang maapula ng alas-6:03 ng umaga, you araw ng Martes.
Alas-3:35 naman ng madaling-araw nang sumiklab ang sunog sa Leo Tire Manufacturing Corp. na isang pabrikang pagawaan ng gulong sa Master Road, Bgy. Lingunan, Valenzuela City.
Naging pahirapan ang pag-apula sa apoy na nagsimula sa gilingan ng gulong na unang proseso sa paglikha ng gulong kaya’t kinailangan pang gumamit ng isang uri ng kemikal ang mga bumbero dahil gawa sa goma ang mga nasusunog na materyales.
Umabot sa ikaapat na alarma ang sunog bago idineklarang under control alas-5:35 ng madaling-araw habang wala namang nadamay na mga katabing bodega ang dalawang magkahiwalay na sunog at wala ring naiulat na nasawi o nasugatan.
Patuloy ang imbestigasyon para matukoy ang pinagmulan ng dalawang magkahiwalay na sunog habang inaalam pa ang kabuuang halaga ng napinsalang mga produkto.