top of page
Search

ni Zel Fernandez | May 9, 2022



Kasagsagan ng eleksiyon nang magsimulang sumiklab ang sunog sa Iloilo City nitong umaga ng Mayo 9.


Pasado alas-5:00 ng umaga, naalarma sa sunog ang mga residente sa isang bahagi ng Brgy. Rizal La Paz, Iloilo City, hindi kalayuan sa La Paz Elementary School.


Sa nabanggit na paaralan nagsasagawa ng halalan kaya agad ding rumesponde ang mga miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP) upang maapula ang apoy.


Kasalukuyan nang inaalam ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog at ang bilang ng mga apektadong residente.


 
 

ni Lolet Abania | May 5, 2022



Apat ang nasawi habang dalawa pa ang nawawala matapos ang sunog sa isang residential area sa Maypajo, Caloocan City ngayong Huwebes.


Ayon sa initial report ng Caloocan City Central Fire Station, sumiklab ang sunog sa C. Namie Street sa Barangay 37, na umabot sa unang alarma nang alas-12:51 ng tanghali.


Batay sa ulat, sa apat na namatay, dalawa sa kanila ay natagpuan sa labas ng kanilang bahay, kabilang ang isa na nadiskubre sa ilalim ng nasunog na L300 van.


Tatlo pang bahay ang naapektuhan ng sunog bago idineklarang under control nang ala-1:22 ng hapon habang fire out naman nang ala-1:40 ng hapon, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).


Nabatid na nahirapan ang mga awtoridad na apulahin ang apoy dahil sa isang live wire ang nakaharang sa kanilang daraanan.


Agad ding nakipag-ugnayan ang BFP sa Manila Electric Company (Meralco) para putulin ang suplay ng kuryente sa lugar.


Patuloy ang mga awtoridad sa paghahanap sa mga nawawalang biktima, habang inaalam na rin ang naging dahilan ng sunog.


 
 

ni Lolet Abania | May 5, 2022



Umabot sa tinatayang 80 pamilya ang nawalan ng tirahan sa nangyaring sunog sa Malabon City ngayong Huwebes nang madaling-araw.


Batay sa Bureau of Fire Protection (BFP), nasa 25 bahay umano ang natupok matapos na sumiklab ang sunog bandang alas-2:00 ng madaling-araw.


Ayon kay Senior Fire Officer 4 Rizaldy Evangelista, nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng isang tirahan sa Barangay Catmon, Malabon, habang mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay na pawang mga gawa sa mga plywood at yero.


Sinabi naman ng BFP, walang nai-report na nasawi o nasugatan sa insidente.


Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang naging dahilan ng sunog.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page