ni Thea Janica Teh | November 13, 2020
Isinailalim na ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro ang kanilang lungsod sa state of calamity ngayong Biyernes dahil sa naging epekto ng Bagyong Ulysses. Ito umano ay para mabigyan ng pagkakataon ang mga residente na makabawi sa hirap at pinsalang nararanasan ngayon.
Dagdag pa ni Teodoro, hindi lang sa baha apektado ang mga residente ng Marikina kundi pati na rin sa COVID-19 pandemic. Nitong Huwebes, dahil sa malakas na pag-ulan na dala ng bagyo, umapaw ang ilog ng Marikina na naging sanhi ng mabilisang pagtaas ng baha sa lungsod.
Kaya naman idineklara rin sa lungsod na suspendido ang online at distance learning classes hanggang Martes upang mabigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na ma-retrieve ang mga modules na nabasa ng baha.
Bukod pa rito, magtatalaga rin ng mga doktor sa bawat barangay ng lungsod upang masiguro ang kaligtasan ng kalusugan ng mga residente.
Sa pagdedeklara ng state of calamity, may karapatan ang lungsod na magkaroon ng calamity fund na makatutulong sa mga residente na makaahon muli.