ni Lolet Abania | February 3, 2021
Nauwi sa stampede ang tinatayang 150 clubbers matapos na mabuking ang mga ito na nagpa-party sa isang night club sa kabila ng umiiral na lockdown sa Quillacollo, Bolivia.
Naganap ang insidente nang magsagawa ng raid ang mga awtoridad sa karaoke disco o night club na ilegal na nag-o-operate sa gitna ng pandemya ng COVID-19 sa nasabing lugar.
Batay sa ulat, may 150 katao ang nagpa-party sa loob ng club. Hinarang ng mga may-ari ng club ang mga awtoridad at ini-lock ang pinto ng disco bar habang pinatatakas ang kanilang mga guests na pinadadaan sa likod.
Nag-unahang makalabas ang mga clubbers sa maliit na gate sa likod ng club para makatakas. Dahil dito, nawasak ang naturang gate habang nagka-stampede ang mga guests, kung saan marami ang naipit, nadaganan at natapakan.
Gayunman, sa halip na manghuli ang mga pulis ay agad na tinulungang makabangon ang mga nadaganan sa stampede. Ang mga naitayong biktima ay agad namang tumakas.
Sa tantiya ng mga awtoridad, nasa 70 katao ang natumba at nasaktan. Wala namang naitalang nasawi o malubhang nasugatan sa stampede, subali't may mga nahuling clubbers ang mga pulis. Inaresto rin ang mga may-ari at empleyado ng nasabing night club.