@Buti na lang may SSS | April 10, 2022
Dear SSS,
Magandang araw po. Ang mother-in-law ko ay isang SSS pensioner. Sa kasalukuyan, siya ay naninirahan sa Tring, Hertfordshire, United Kingdom. Nais sana niyang malaman kung paano siya makakapag-comply sa ACOP? Kailangan pa bang umuwi siya rito sa Pilipinas para gawin ito? Salamat po. — Samantha
SAGOT:
Mabuting araw sa iyo, Samantha!
Muling ibinalik ang Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagrereport ng mga pensyonado sa SSS noong Oktubre 2021. Layunin nito na masiguro na ang tamang benepisyaryo ang tumatanggap ng pensyon at maprotektahan ang pondo ng SSS. Nais naming ipaalam sa iyo na pinalawig ng SSS ang deadline sa compliance sa ACOP hanggang Hunyo 30, 2022.
Kinakailangang mag-comply sa ACOP ang mga sumusunod na uri ng pensyonado upang hindi maputol ang pagtanggap nila ng kanilang buwanang pensyon:
retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa;
total disability pensioners;
survivor pensioners; at
dependent (minor/incapacitated) pensioners na nasa pangangalaga sa ilalim ng guardianship.
Dati, kailangang magpunta pa ng isang pensyonado sa mga opisina ng SSS para sa kanyang ACOP. Subalit, sa pamamagitan ng pinaigting na digitalization effort ng SSS, mas pinadali, mas pinasimple at mas pinabilis ang pag-comply sa ACOP. Nagpatupad ang SSS ng mas ligtas at mabilis na alternatibong pamamaraan upang makasunod dito sa ACOP na hindi na nangangailangan ng personal appearance sa SSS.
Samantha, para sa mga pensyonado na naninirahan sa ibang bansa, tulad ng iyong iyong mother-in-law, may tatlong paraan upang isagawa ang ACOP.
Option 1: Sa pamamagitan ng video conference (Microsoft Teams). Mag-send siya ng appointment request sa ofw.relations@sss.gov.ph. Hintayin ang e-mail confirmation mula sa SSS na naglalaman ng transaction reference number (TRN) at ng link sa Microsoft Teams. Sa scheduled video conferencing, dapat siyang mag-present ng isang (1) primary ID card o dalawang (2) secondary ID cards.
Option 2: Maaaring ipadala ang mga required na dokumento sa e-mail address ng pinakamalapit na SSS foreign office. Sa United Kingdom, ang aming foreign office ay matatagpuan sa No. 11 Embassy of the Philippines, Suffolk St., London, SW1Y 4HG.
Option 3: Maaari ding ipadala ang mga required na dokumento sa pamamagitan ng koreo sa SSS OFW-Contact Services Section, Social Security System Main Office, East Avenue, Diliman, Quezon City 1100.
Para sa Option 2 at 3, dapat ihanda ng mother-in-law mo, Samantha ang sumusunod na mga dokumento:
duly-accomplished ACOP Form;
isang primary o dalawang secondary ID cards;
half-body photo ng pensyonado na may hawak na kasalukuyang dyaryo o di kaya’y nasa background niya ang TV news crawler o ticker kung saan makikita ng malinaw ang news headline at kasalukuyang petsa.
Maaari mong i-download ang SSS ACOP form sa link na ito https://bit.ly/3mC8TkE.
Nais naming ipaalala na kung hindi makakapag-comply sa ACOP ang iyong mother-in-law hanggang Hunyo 30, 2022, maaaring maputol ang pagtanggap niya ng buwanang pensyon simula sa Setyembre 2022.
◘◘◘
Nais naming ipaalam sa ating mga miyembro na pinalawig ang application period ng Short-Term Member Loan Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 5 hanggang May 14, 2022. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro ang mga naipong multa o penalties sa hindi niya nabayarang utang sa SSS gaya ng Salary loan, Calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), Emergency loan at restructured loans sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) na ipinatupad noong 2016 hanggang 2019.
Bukod dito, pinalawig din ang application period para sa Housing Loan Restructuring and Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 4. Tatanggap ang SSS ng aplikasyon para dito hanggang Mayo 21, 2022. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro o mga tagapagmana nito ang mga naipong multa o penalties sa hindi nabayarang housing loan. Maaari silang mag-file ng aplikasyon sa SSS Housing and Acquired Asset Management Department na nasa SSS Main Office sa Quezon City at sa Housing and Acquired Asset Management Section ng piling sangay ng SSS sa labas ng Metro Manila.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.