ni Fely Ng - @Bulgarific | June 9, 2022
Hello, Bulgarians! Nakapagtala ang Social Security System (SSS) ng kita na P28 bilyon noong 2021 mula sa mga operasyon nito dahil nahigitan ng pumasok na kontribusyon at kita sa investment nito ang lumabas na pera para sa benefit payments at operating expenses. Base sa 2021 unaudited financial statements nito, ang pumasok na pera sa SSS ay umabot sa P262 bilyon habang ang lumabas naman na pera ay umabot sa P234 bilyon.
Noong huling anim na taon naman, nakapagtala ang SSS ng cumulative earnings na P202 bilyon, kahit pa naglabas ito ng record-breaking P1.1 trillion para sa benefit payment at P254 bilyon para sa loan releases sa mga miyembro at pensioner nito. Ang pag-adopt ng SSS sa Philippine Financial Reporting Standards (PFRS) 4, kung saan kinilala ang Social Benefit Liabilities (SBLs) kabilang ang Margin for Adverse Deviation (MfAD), ang dahilan para sa pagtaas ng policy reserves nito ng P872 bilyon na nagresulta sa accounting net loss na halos P844 billion noong 2021.
“Nais naming ipaliwanag na ang increase sa aming policy reserves ay hindi aktuwal na pera na lumabas sa pondo ng SSS. Ito lamang ay estimates ng kinakailangang reserba para pondohan ang benefit claims sa hinaharap,” ani SSS President at CEO Michael G. Regino.
“Kinikilala namin ang future liabilities na ito ngayon pa lamang para mas maging transparent sa pamamahala ng pondo ng SSS at makabuo ng mas malinaw na larawan ng aming long-term financial standing. Sinisiguro naming hindi ito nakakaapekto sa aming kasalukuyang cash flows at nananatili kaming financially viable para makapagbigay ng benepisyo sa aming mga miyembro,” dagdag niya.
Ang SSS ay mayroong estimated fund life na hanggang 2054. Ang estimated fund life naman social security institutions ng ibang ASEAN countries gaya ng Vietnam at Thailand ay 2027 at 2054, habang ang United States Social Security Administration fund ay inaasahang magtatagal hanggang sa 2034 lamang.
Ayon kay Regino, ang SSS ay palaging bukas para makipag-usap sa mga mambabatas, na maaaring maging plataforma para matulungan ang mga stakeholder nito na maunawaan ang kasalukuyang accounting standard na sinusunod nito para sa pagre-report ng financial performance.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.