@Buti na lang may SSS | July 24, 2022
Dear SSS,
Mayroon akong SSS salary loan sa previous employer ko at hindi ko ito naipakaltas sa kasalukuyang employer ko. Dahil dito, hindi ko nabayaran ang aking loan mula noong 2018.
Kaya nag-aalala ako na baka malaki na ang penalty nito. Mayroon bang condonation program ang SSS ngayon? - Sandra
Sagot
Mabuting araw sa iyo, Sandra!
Para sa iyong kaalaman, naglunsad ang SSS ng mga programa sa ilalim ng Pandemic Relief and Restructuring Programs (PRRP) upang matulungan ang mga miyembro at employer na may pagkakautang sa SSS na higit na naapektuhan ng pandemya.
Isa nga rito ang Short-Term Member Loan Penalty Condonation Program o PRRP 5. Sa ilalim ng nasabing programa, hindi na kailangang bayaran ang mga naipong multa o penalties sa hindi nabayarang utang sa SSS tulad ng salary loan. Maliban sa salary loan, saklaw din nito ang Calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), Emergency loan at restructured loans sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) na ipinatupad noong 2016 hanggang 2019.
Ang babayaran na lamang ay ang prinsipal at interest, kung saan maaaring bayaran ito ng buo o one-time full payment o kaya’y bayaran ang 50% nito bilang down payment at ang natitirang balanse sa pamamagitan ng installment sa loob ng anim na buwan.
Kinakailangan lamang na matugunan ang mga sumusunod na kondisyon:
· hindi nabayaran ang short-term member loan sa loob ng anim na buwan bago ang implementasyon ng programa;
· hindi pa nabibigyan ng final benefit claim, tulad ng permanent total disability o retirement benefit; at
· hindi na-disqualify dahil sa panloloko o fraud laban sa SSS;
Kuwalipikado rin sa nasabing programa maging ang mga tagapagmana o benepisaryo ng namatay na miyembrong nag-file ng aplikasyon para sa final benefit claim tulad ng death, permanent total disability o retirement, kung saan ang kanilang contingency date ay nakapaloob sa panahon ng application period para sa naturang condonation program.
Dagdag pa rito, ang mga miyembrong magbabayad sa ilalim ng installment basis ay kinakailangang hindi lalagpas sa 65 taong gulang sa pagtatapos ng kanilang installment term.
Nais nating ipaalala na hanggang Pebrero 14, 2022 na lamang tatanggap ng aplikasyon sa nasabing programa. Hindi na kailangang magtungo sa sangay ng SSS sa pag-file nito sapagkat maaari na itong gawing online gamit ang iyong account sa My.SSS. Kaya dapat tiyaking may account na nakarehistro sa My.SSS.
Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaaring magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at i-click ang “MEMBER.” Dadalhin ka nito sa member login portal at i-click ang “Not yet registered in My.SSS?” upang masimulan ang pagrerehistro rito.
Kailangang punan ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan, ang irerehistrong e-mail address ay aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit ang My.SSS account ng miyembro.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.