@Buti na lang may SSS | October 4, 2022
Dear SSS,
Magandang araw! Bunga ng kasalukuyang pandemya ay maraming manggagawa ang lubhang naapektuhan nito. Kaya nais kong itanong kung mayroon bang benepisyo na maibibigay ang SSS sa mga manggagawang nawalan ng trabaho? – Jason
Sagot
Mabuting araw sa ‘yo, Jason!
Malugod naming ibinabalita sa ‘yo na mayroong benepisyo ang SSS na ipinagkakaloob sa mga manggagawang inboluntaryong nawalan ng trabaho. Mula Marso 5, 2019 noong ipinatupad ang Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018, maaaring mag-claim ng unemployment benefit ang mga miyembro ng SSS na katumbas ng 50% ng kanilang monthly salary sa loob ng dalawang buwan. Tulad ng ibang benepisyo, ito ay cash allowance na ibinabayad ng SSS upang masuportahan ang kanilang sarili para muli silang makahanap ng panibagong trabaho. Maaaring makatanggap ng hanggang P20,000 na maximum benefit, Jason, na magagamit mo habang ikaw ay wala pang bagong trabaho.
Upang mag-qualify, kinakailangang ikaw ay hindi lalagpas sa 60-taong gulang sa panahon ng iyong aplikasyon. Kung ikaw ay underground o surface mineworker, hindi dapat higit sa 50-taong gulang at 55-taong gulang naman kung racehorse jockey. Dapat nakapaghulog din ng hindi bababa sa 36 buwang kontribusyon kung saan ang 12 kontribusyon ay naibayad sa loob ng 18-buwan bago ang buwan na nawalan ng trabaho ang miyembro.
Bukod dito, maaari lamang bigyan ng unemployment benefit ang mga empleyado na inboluntaryong natanggal sa trabaho kung legal ang kanilang pagkakatanggal na naaayon sa Labor Code of the Philippines tulad ng paglalagay ng labor-saving devices ng kumpanya, redundancy, retrenchment, pagsasara o pagtigil ng kanilang operasyon o negosyo, at pagkakaroon ng sakit o karamdaman na hindi na pinahihintulutan ng batas na makapagtrabaho pa. Kasama ang pagkakatanggal sa trabaho bunsod ng pagbagsak ng ekonomiya, pagtama ng kalamidad at mga kahalintulad na dahilan na maaaring tukuyin ng SSS at Department of Labor and Employment (DOLE).
Jason, maaaring mag-apply ng unemployment benefit sa pamamagitan ng My.SSS na nasa SSS website. Mag-log in ka sa iyong My.SSS account at magtungo sa E-SERVICES upang i-click ang “apply for the unemployment benefit claim.” Pagkatapos mapunan ang lahat ng kinakailangang impormasyon, at magpapadala ng abiso o notification ang SSS sa iyong registered e-mail address. Mag-reply sa nasabing e-mail at i-attach dito ang scanned copies ng sertipikasyon na magpapatunay ng dahilan at araw ng pagkatanggal sa trabaho mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng Philippine Overseas Labor Offices (POLO) o regional offices nito, kung OFW naman ang miyembro. Isasama mo rin ang Notice of Termination mula sa Employer o Affidavit of Termination of Employment, kung alinman ang available. Matapos nito, magpapadala ulit ng e-mail message ang SSS upang kumpirmahin na successful ang iyong aplikasyon.
Paalala namin na maaari lamang i-file ang aplikasyon sa loob ng isang taon mula sa araw ng pagkatanggal mo sa trabaho.
Maraming miyembro na ang natulungan ng unemployment benefit mula sa SSS. Sa katunayan noong 2020, mahigit sa P1.71 bilyon unemployment benefit ang nabigyan ng SSS sa sa mahigit 135,000 kuwalipikadong miyembro. Ang nasabing halaga ay siyam na beses na mas mataas sa naibigay na unemployment benefit noong 2019.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.