@Buti na lang may SSS | March 5, 2023
Dear SSS,
Magandang araw! Nais kong i-verify ang aking hulog sa SSS, subalit wala akong oras para bumisita sa SSS branch. Mayroon bang paraan na i-verify ko ang aking mga hulog sa SSS nang hindi na kailangan pang pumunta sa inyong opisina? Salamat. —Alvin
SAGOT
Mabuting araw sa iyo, Alvin!
Simula nang pandemya, sinikap ng SSS na gawing online ang lahat ng mga transaksyon nito sa pamamagitan ng My.SSS at SSS Mobile App. Kaya aming hinihikayat ang lahat ng ating mga miyembro, employer kabilang ang mga pensyonado na magrehistro sa My.SSS portal at gumawa ng kanilang sariling account para sa mas mabilis na pakikipagtransaksyon sa SSS.
Alvin, upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa aming website at i-click mo ang “MEMBER.” Dadalhin ka nito sa member login portal at i-click mo ang “Not yet registered in My.SSS?” upang masimulan ang iyong pagrerehistro rito. Punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang dapat ilagay mong e-mail address ay aktibo at nagagamit mo pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para naman i-activate at magamit mo ang iyong account.
Isa sa mga transaksyon na maaari mong gawin gamit ang My.SSS ay ang pag-verify ng iyong mga contributions o mga hulog sa SSS. Gamit ang nasabing platform ay maaari mong makita kung updated ba o posted na ang mga ito sa iyong SSS records.
Kung ikaw ay mayroon nang My.SSS account, i-click mo ang “Member.” Mag-login ka gamit ang iyong user ID at password. Sunod, i-click mo ang “I’m not a robot” at i-click mo ang “Submit.”
Makikita mo ang mga tab ng “HOME,” “MEMBER INFO,” “INQUIRY,” E-SERVICES,” at “PAYMENT REFERENCE NUMBER (PRN).” Para i-verify ang iyong contribution record, i-click mo ang “INQUIRY” tab. May dalawa kang pagpipilian dito: “Benefits” at “Contributions.” i-click mo ang “Contributions”.
Hinihikayat ka rin namin, Alvin, maging ang iba pang miyembro, employer at pensyonado na protektahan ang inyong login credentials sa My.SSS gayundin ang iba pang mga personal na impormasyon gaya ng inyong SSS number. Ito ay upang maiwasan na hindi magamit ang inyong account sa mga fraudulent transactions.
Samantala, isa sa mga dahilan kung bakit nangyayari ang mga fraudulent transactions ay ang pagbibigay-alam sa iba ng login credentials gaya ng username at password ng mga taong hindi nila lubos na kilala o kamag-anak.
Dapat ingatan at panatilihin mong confidential, Alvin, ang iyong login details upang maprotektahan mo ang iyong sarili mula sa mga ganitong online scammers at hackers.
Isa rin itong proteksyon upang hindi magamit ang iyong My.SSS account sa mga masasamang gawain ng mga taong ito tulad ng pagkuha ng iyong benepisyo at loans sa iyong disbursement account na kasalukuyang enrolled sa SSS.
Dagdag pa rito, huwag mong ipaalam ang iyong username, password, at iba pang login details na may kaugnayan sa iyong My.SSS account sa mga taong hindi awtorisado ng SSS. Sapagkat ang pagbibigay ng iyong username at password ng iyong My.SSS account sa ibang tao ay maihahalintulad sa pagbabahagi ng PIN ng iyong ATM card sa iba na maaari nilang i-access nang hindi mo nalalaman.
Ang anumang pakikipag-ugnayan at pakikipagtransakyon sa mga fixers o unauthorized individuals ay may kaukulang kaparusahan, multa at pagkakulong na sakop ng umiiral na batas sa ating bansa.
***
Nais naming ipaalam sa aming mga pensyonado na maaari silang mag-comply sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagrereport ng mga pensyonado sa SSS hanggang Marso 31, 2023 para sa calendar year 2021.
Samantala, ang mga pensyonado na dapat tumugon sa ACOP ay mga retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa, total disability pensioner, survivor pensioner (death), at dependent (minor/incapacitated) pensioner sa ilalim ng guardianship. Kung kasalukuyang naninirahan sa Pilipinas ang isang retirement pensioner, sila naman ay exempted sa ACOP compliance.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.