@Buti na lang may SSS | March 26, 2023
Dear SSS,
Magandang araw!
Nais kong malaman kung bakit mahalaga ang Workers’ Investment and Savings Program ng SSS sa mga miyembro nito, at paano ko makikita ang record ng naihuhulog ko sa nasabing programa? Salamat. —Lilia ng Davao City
SAGOT:
Mabuting araw sa iyo, Lilia!
Mahalaga ang Workers’ Investment and Savings Program (WISP), sapagkat ito ay nagsisilbing karagdagang social protection ng mga miyembro bukod sa kanilang regular SSS program.
Ang WISP ay isa sa mga probisyon sa ilalim ng Republic Act No. 11199 o ang Social Security Act of 2018 na sinimulang ipatupad noong Enero 2021. Ito ay isang provident fund scheme na pinangangasiwaan at ipinatutupad ng SSS upang matulungan ang mga miyembro na makaipon ng mas malaki para sa kanilang pagreretiro. Tulad ng regular SSS program ay hinuhulugan din ito kada buwan.
Nasasakop ng WISP ang mga miyembro na kumikita ng maximum monthly salary credit na mahigit sa P20,000 at walang final claim sa ilalim ng regular SSS program.
Awtomatiko naman ang pagiging kasapi nila sa nasabing programa.
Ang kanilang magiging buwanang hulog ay mula P70 hanggang P1,400. Kailangan namang ang miyembro ay aktibong naghuhulog ng kanyang buwanang kontribusyon sa ilalim ng regular SSS program.
Halimbawa, kung ikaw ay kumikita ng P23,750 kada buwan, bawat buwan ay maghuhulog ka ng P2,830 para sa iyong regular SSS contribution, kasama na rito ang P30 na hulog para naman sa Employees’ Compensation Program, at P560 naman ang napupunta sa iyong WISP.
Sa mga covered employee o mga miyembro na may employer na pinapasukan, paghahatian nila ang hulog sa WISP, gaya ng sa regular na hulog sa SSS. Halimbawa, ikaw, Lilia ay kumikita ng P23,750 kada buwan at nag-iipon ng P560 bawat buwan para sa WISP, ang magiging share ng iyong employer ay P380, samantalang sasagutin mo naman ang P180.
Maaari ring i-check ng miyembro ang posting ng kaniyang kontribusyon sa WISP sa pamamagitan ng kanyang My.SSS account. Mag-log in sa kanyang account sa My.SSS.
Sunod, magtungo sa “Inquiry” tab at i-click ang “Contributions.” Makikita rito ang contributions niya sa WISP maging ang posting ng kanyang buwanang hulog sa regular na SSS program at WISP Plus.
Sinusundan ng SSS ang prinsipyo ng work, save, invest at prosper. Kaya naman ilalagak sa investment ng SSS ang WISP ng mga miyembro. Ang anumang kikitain dito ay ibabalik nang proporsyonal sa miyembro depende sa halaga ng kanilang contributions. Ang posted contribution sa isang buwan ay magkakaroon ng share sa investment income simula sa unang araw ng susunod na buwan. Hindi lamang nag-iipon ang miyembro kundi kumikita pa ang pinag-iipunan niya.
Sa iyong pagreretiro, Lilia, pareho mong makukuha ang iyong retirement benefit mula sa regular na programa ng SSS at ang iyong naipon sa WISP. Ang WISP ay magandang pagkakataon upang magkaroon ka ng mas komportableng pagreretiro kung saan lahat ng iyong naipon ay siya mo namang pakikinabangan sa kinabukasan. Bukod pa rito, ang iyong maiipon sa WISP ay tax-free at ginagarantiyahan ng SSS.
***
Paalala naman sa ating mga pensyonado na hanggang Marso 31, 2023 na lamang sila maaaring mag-comply sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagre-report ng mga pensyonado sa SSS para sa calendar year 2021.
Samantala, ang mga pensyonadong dapat tumugon sa ACOP ay mga retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa, total disability pensioner, survivor pensioner (death), at dependent (minor/incapacitated) pensioner sa ilalim ng guardianship. Kung kasalukuyang naninirahan sa Pilipinas ang isang retirement pensioner, sila ay exempted para sa ACOP compliance.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.