@Buti na lang may SSS |November 19, 2023
Dear SSS,
Magandang araw. Ako ay driver sa isang food delivery app. Nais kong malaman kung paano ako makapagrehistro sa My.SSS Portal? Salamat po. — Charlie
Mabuting araw sa iyo, Charlie!
Mahalaga na mayroon kang account sa My.SSS Charlie bilang isang self-employed members.
Karamihan na kasi ng transaksyon sa SSS gaya ng filing ng benefit claims at loan applications ay online na. Kaya, humihingi kami sa iyo ng puhunan sa pamamagitan ng oras at tiyaga upang unawain at sundin kung paano gamitin ang My.SSS Portal ng SSS para sa iyong pinakamadaling pakikipagtransakyon sa aming ahensya.
Simula pa noong 1980 ay itinakda sa ilalim ng Republic Act 1161 o Social Security Act of 1957 ang pagsakop sa mga self-employed na indibidwal na may buwanang kita na P1,000 o higit pa mula sa kanyang sariling negosyo o propesyon na walang employer kung hindi ang kanyang sarili habang hindi pa siya umaabot ng 60 taong gulang.
Kabilang dito ang mga propesyonal tulad ng abogado o doktor, may sariling opisina man o wala, mga nagmamay-ari o magkasosyo sa negosyo, mga artista, direktor o manunulat ng pelikula na hindi itinuturing na empleyado, mga propesyonal na atleta, coaches, hinete at tagapagsanay, gayundin ang mga magsasaka at mangingisda na sinaklaw naman noong 1995.
Kabilang din dito ang mga informal sector workers tulad ng mga nagtitinda sa palengke, tricycle o jeepney drivers, at mga contractual at job order na nagtatrabaho naman sa mga ahensya ng pamahalaan.
Naririto ang mga hakbang para ikaw ay makagawa ng iyong My.SSS account:
Una, bisitahin ang SSS website (www.sss.gov.ph).
Ikalawa, piliin mo ang Member tab sa portals at i-click ang “Register.”
Ikatlo, basahin mong mabuti ang reminders ukol sa web registration at i-check ang certification kung ito ay iyong naunawaan. Sunod, i-click mo ang “Proceed.”
Ikaapat, punan mo ng tamang impormasyon ang Online Member ID Registration. Pumili ka mula sa listahan ng isang impormasyong naka-report sa SSS. I-click ang “I am not a robot” at i-accept ang “Terms of Service.” Sunod na i-click ang “Submit.” Lalabas ang confirmation page upang mabasa mo ang mga detalye na iyong nai-encode.
I-click ang “Confirm” kung sigurado ka sa mga detalyeng inilagay mo o ‘di kaya’y “Cancel” kung may nais ka pang i-edit sa mga detalye.
Panghuli, magpapadala ang SSS ng activation link sa e-mail address na ginamit mo sa pagpaparehistro kaya dapat active ang e-mail address na ibinigay mo. Upang makapaglagay ng password at para i-access ang iyong My.SSS account, kailangang mong i-encode muna ang huling six digits ng iyong Common Reference Number (CRN) o SS number.
Isa rin sa transaksyon na maaari mong gawin sa My.SSS ay ang pag-generate ng Payment Reference Number (PRN) tuwing ikaw ay magbabayad ng iyong kontribusyon sa SSS.
***
Patuloy pa ring tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.