@Buti na lang may SSS |December 24, 2023
Dear SSS,
Magandang araw! Nais ko sanang malaman kung paano ang computation ng SSS maternity benefit. Magkano naman ang benepisyong maaari kong makuha para rito? Salamat — Lani
Mabuting araw sa iyo, Lani!
Napapanahon ang iyong katanungan sapagkat ngayong araw ay bisperas ng pagdiriwang ng Pasko, na siyang kapanganakan ni Hesu-Kristo.
Ang maternity benefit o benepisyo sa panganganak ay cash allowance na ibinabayad ng SSS sa babaeng miyembro nito sa bawat araw na hindi siya nakapagtrabaho dahil sa panganganak, miscarriage o emergency termination of pregnancy (ETP).
Sa ilalim ng Republic Act 11210 o ang Expanded Maternity Leave Law (EMLL) na ipinatupad noong 11 Marso 2019, 105 days na ang paid maternity leave, maging ito ay normal o caesarian delivery. Samantalang 60 days paid maternity leave naman para sa mga nagkaroon ng miscarriage o sumailalim sa ETP.
Ang mga solo parent naman ay maaari pang makakuha ng karagdagang 15 days paid maternity leave.
Para sa iyong kaalaman Lani, narito kung paano kinukuwenta ang benepisyo sa panganganak:
Alamin ang semestre ng panganganak. Ang semestre ay binubuo ng dalawang magkasunod na quarter o katumbas ng anim na buwan at nagtatapos sa quarter kung saan nakapaloob ang buwan ng panganganak, miscarriage o ETP.
Alamin ang huling 12 buwan bago ang semestre ng panganganak, miscarriage o ETP at i-check kung mayroong anim na pinakamataas na monthly salary credit (MSC) sa loob ng nasabing 12 buwan.
Ang MSC ay ang compensation base ng kontribusyon at mga benepisyo na kaugnay sa kabuuang kita ng isang miyembro as isang buwan.
3. Alamin ang total monthly salary credit (TMSC). Kinukuwenta ang TMSC sa pamamagitan ng pagpili ng anim na pinakamatataas na MSC sa loob ng 12 buwan.
4. I-divide ang TMSC sa 180 (constant divisor). Anumang halaga na makuwenta rito ay ang average daily salary credit (ADSC).
5. Panghuli, i-multiply ang ADSC sa 105 kung normal o caesarian delivery at 60 naman kung nagkaroon ng miscarriage o sumailalim sa ETP upang makuha kung magkano ang total maternity benefit.
Halimbawa, ikaw ay nanganak noong Oktubre 26, 2023 at sumusuweldo ng P20,000 kada buwan. Ang iyong semester of contingency ay mula Hulyo 2023 hanggang Disyembre 2023. Kaya ang 12 buwan bago ang semester of contingency ay magsisimula sa July 2022 hanggang Hunyo 2023. Dito pipiliin ang anim na pinakamatataas na MSC.
Ipagpalagay natin na P20,000 ang anim na pinakamataas mong MSC sa loob ng 12 buwan.
Samakatuwid, ang TMSC mo ay P120,000 (P20,000 x 6) na idi-divide natin sa 180 (P120,000/180) para makuha ang ADSC na nagkakahalaga ng P666.67. Ang total maternity benefit mo ay P70,000 (P666.67 x 105) kung normal o caesarian delivery at P40,000 naman kung nagkaroon ng miscarriage o sumailalim sa ETP.
Paalala! Dapat palaging siguruhin ng miyembro na updated ang kanyang kontribusyon sa SSS upang maging kuwalipikado siya sa maternity benefit. Samantala, wala ng kaukulang limit sa pagdadalang-tao ng miyembro simula noong ipatupad ang EMLL.
Dagdag pa rito, maaari nang i-file ang Maternity Benefit Application online sa pamamagitan ng My.SSS portal na matatagpuan sa SSS website (www.sss.gov.ph).
***
Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Maaaring bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran nang hulugan sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan, at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.