@Buti na lang may SSS | Pebrero 18, 2024
Dear SSS,
Magandang araw. Ako ay isang delivery rider ng isang food delivery app. Batid ko sa araw- araw na pag-deliver ng mga order ng aming mga customer ay lubhang napakadelikado ito at malapit sa aksidente. Kaya nais kong malaman kung maaari rin ba akong makapaghulog sa SSS? Salamat. — Oscar
Mabuting araw sa iyo, Oscar!
Malugod naming ipinaaalam sa iyo na maaari kang maging miyembro ng SSS bilang self- employed. Simula pa noong 1980 ay itinakda na sa ilalim ng Republic Act 1161 o Social Security Act of 1957 ang pagsakop sa mga self-employed na indibidwal na may buwanang kita na P1,000 o higit pa mula sa kanyang sariling negosyo o propesyon at walang employer, kung hindi pa siya umaabot sa 60-taong gulang.
Kabilang dito ang mga propesyonal tulad ng abogado o doktor, may sariling opisina man o wala, mga nagmamay-ari o magkasosyo sa negosyo, mga artista, direktor o manunulat ng pelikula na hindi itinuturing na empleyado, mga propesyonal na atleta, coaches, hinete at tagapagsanay, gayundin ang mga magsasaka at mangingisda na sinaklaw simula noong 1995, mga nagtitinda sa palengke, tricycle o jeepney drivers, at mga contractual at job order na empleyado na nagtatrabaho sa mga ahensya ng pamahalaan.
Noong Oktubre 2021 naman, pinaigting ng SSS ang kampanya nito na mabigyan ng SSS coverage ang mga katulad mong delivery rider ng mga digital platform companies tulad ng Angkas, Dingdong, Foodpanda, Grab, JoyRide, Lalamove, atbp.
Sa kasalukuyan, ang SSS contribution rate ay 14% ng monthly salary credit na hindi hihigit sa P30,000. Maaari mo namang ibatay ang halaga ng iyong magiging buwanang kontribusyon sa monthly salary credit o ang salary level kung saan nakabase ang iyong buwanang kita na idineklara mo sa registration form o SS Form E-1 (Personal Record). Ang Schedule of Contributions ay makikita sa SSS website, www.sss.gov.ph o kaya’y sa Facebook page nito sa Philippine Social Security System.
Samantala, ang buwanang kontribusyon ng self-employed ay maaaring tumaas o bumaba batay sa iyong aktuwal na kinikita.
Halimbawa, ang idineklara mong buwanang kita sa registration form ay P10,200. Batay sa Schedule of Contributions, ito ay katumbas sa P10,000 monthly salary credit at may kaukulang SSS contribution na P1,400 kada buwan at P10 naman kada buwan ang para sa iyong Employee’s Compensation (EC) contributions na may kabuuang halaga ng kontribusyon na P1,410 kada buwan.
Para sa iyong kaalaman, Oscar, ang EC Program ay para sa mga work-related contingencies bunsod ng pagkakasakit, pagkabalda, o kaya’y pagkamatay na maaaring mangyari sa isang self- employed na gaya mo habang nagtatrabaho. Dagdag-proteksyon naman din ito bukod sa regular SSS benefits na matatanggap mo sa hinaharap.
Maaari ka na ring kumuha ng SS number online. Bisitahin lamang ang SSS website at i-click ang link sa No SS Number Yet? Apply Online! Kung ikaw ay may SS number, maaari na ring i- update ang membership mo rito sa online. Kinakailangan lamang na nakapagrehistro ka sa My.SSS na matatagpuan din sa SSS website. Dagdag pa rito, kailangan mo rin ang mga dokumentong tulad ng certified true copy ng iyong birth certificate upang mabigyan ka ng SS number. Kung wala kang birth certificate, maaaring isumite ang alinman sa mga sumusunod: baptismal certificate; driver’s license, passport; Professional Regulation Commission (PRC) card; o Seaman’s Book. Kung wala ang mga nasabing cards o dokumento, maaaring magpasa ng dalawang valid IDs gaya ng postal, voter’s ID, atbp.
Matapos nito, maaari ka nang magbayad ng iyong kontribusyon kada buwan o kaya ay quarterly. Para makapagbayad, kailangan mo munang mag-generate ng Payment Reference Number (PRN) gamit ang iyong existing na My.SSS username at password sa SSS Mobile App.
Sunod, i-tap mo ang “Generate PRN/SOA” icon na iyong makikita sa iyong mobile screen. Matapos nito, i-tap mo ang “Create” at punuan mo ang mga hinihinging impormasyon gaya ng buwan, halaga ng babayarang kontribusyon at type ng membership. Kapag naibigay mo na ang lahat ng kailangang impormasyon, i-tap mo ang “SUBMIT” at lalabas ang iyong PRN/SOA. Maaari mo itong i-download bilang PDF o ‘di kaya’y magtuloy na sa pagbabayad.
Maaari mong bayaran ang iyong kontribusyon gamit ang SSS Mobile App, Bayad o GCash app o kaya’y sa ShopeePay. Gayundin, maaari mo itong bayaran sa pamamagitan ng internet banking facility ng Security Bank at Union Bank of the Philippines, SSS tellering facility, mga accredited payment centers, at SSS-accredited partner agents.
***
Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Maaaring bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran nang hulugan sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan, at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
***
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.