by Info @Buti na lang may SSS | Feb. 2, 2025

Dear SSS,
Magandang araw! Nitong January ay nagtanggalan sa pinapasukan kong kumpanya at kasama ako sa nawalan ng trabaho. Mayroon ba akong matatanggap na benepisyo mula sa SSS? Salamat. — Leilani
Mabuting araw sa iyo, Leilani!
Opo, may matatanggap kayong unemployment benefit mula sa SSS kung kayo ay nakapaghulog ng 36 na kontribusyon at 12 rito ay nasa loob ng nakaraang 18 buwan, at dapat involuntary ang pagkatanggal ninyo sa trabaho.
Ang Social Security System (SSS) ay mayroong tinatawag na Unemployment Insurance o Involuntary Separation Benefit na mas kilala sa Unemployment Benefit Program. Ito ang bagong benepisyo na ibinibigay ng SSS sa mga miyembro nito simula noong March 6, 2019 nang maging epektibo ang Republic Act 11199 o ang Social Security Act of 2018.
Sa ilalim nito ang mga kuwalipikadong miyembro tulad ng mga covered employees o ang mga miyembro ng SSS na mayroong employer, kabilang ang mga kasambahay at sea-based overseas Filipino workers (OFWs), ay makakatanggap ng cash benefit allowance sakaling sila ay inboluntaryong mawalan o matanggal sa trabaho.
Ano nga ba ang inboluntaryong nawalan ng trabaho, Leilani? Kumpara sa mga ordinaryong resignasyon sa trabaho, ang dahilan ng pagkakatanggal ng isang miyembro sa trabaho ay hindi nila kagustuhan at may mas malalim na kadahilanan na hindi kontrolado ng empleyado.
Una, para sagutin din ang tanong mo, ating alamin ang qualifying conditions ng programa. Kinakailangan na ang miyembro ay mayroong 36 monthly contributions, kung saan ang 12 ay nabayaraan sa loob ng 18-month period bago ang buwan ng inboluntaryong separasyon sa trabaho. Ayon sa iyo, ang buwan ng iyong involuntary separation sa trabaho ay Enero 2025. Para mag-qualify ka sa unemployment benefit dapat ay mayroon kang 12 buwang hulog mula Hunyo 2023 hanggang Disyembre 2024.
Upang malaman ng ating mga miyembro gayundin ikaw, Leilani, ang benepisyong ito ay katumbas ng 50 percent ng iyong average monthly salary credit (AMSC) na ibinibigay para sa maximum ng two (2) months. Ang AMSC ay alinman sa mas mataas sa dalawang komputasyon:
Resulta ito kapag dinivide ang kabuuang halaga ng 60 monthly salary credits ng miyembro bago ang semester ng contingency sa 60; o
Resulta kapag dinivide ang lahat ng monthly salary credits bago ang semester ng contingency sa bilang nito.
Halimbawa ang AMSC ng miyembro ay P16,000. Ang kanyang unemployment benefit ay: P16,000 x 50% = P8,000 x 2 (para sa dalawang buwan) = P16,000 (kabuuang halaga na matatanggap na benepisyo sa SSS).
Ito rin ay one-time payment kaya matatanggap na ng miyembro ang benepisyo para sa dalawang buwan.
Ikalawa, ang edad niya ay hindi dapat humigit sa 60 sa panahon na mangyari ito, pero kung siya naman ay underground o surface mineworker, hindi dapat ito humigit sa 50, at 55 naman kung siya ay isang racehorse jockey.
Ikatlo, kailangan na ang dahilan ng pagkatanggal niya sa trabaho ay hindi niya kagagawan. Ilan diyan ay ang authorized causes for termination of employee na nakapaloob sa Articles 298 (283) at 299 (284) ng Presidential Decree No. 442 o ang Labor Code of the Philippines, as amended, na kinabibilangan ng installation ng labor-saving devices, closure o pagtigil ng operasyon, pagkakasakit, kung saan ang patuloy niyang pagtatrabaho ay makakasama sa kanyang kalusugan o ng kanyang mga katrabaho; at iba pa.
Kasama rin diyan ang just causes na isinasaad sa Article 300 ng Labor Code of the Philippines, as amended, kung saan maaari niyang wakasan ang kanyang employment relationship nang walang abiso sa kanyang employer. Halimbawa nito ay serious insult mula sa employer o ng representative niya sa dangal o katauhan ng empleyado, hindi makatao o hindi katanggap-tanggap na pagtrato ng employer o ng representative niya, at iba pang kahalintulad na mga sitwasyon.
Kabilang din dito ang economic downturn, natural o human-induced calamities o disasters, at iba pang kondisyon na papahintulutan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng SSS.
Samantala, hindi naman kuwalipikadong makatanggap ng unemployment benefit ang miyembro kung ang rason ng pagkatanggal sa trabaho ay dahil sa just causes na isinasaad sa Article 297 (282) ng Labor Code of the Philippines, as amended, gaya ng serious misconduct, sinasadyang hindi pagsunod sa mga makatarungang utos, gross at habitual na pagpapabaya sa mga tungkulin, at iba pa.
Ang prescriptive filing period ng unemployment benefit ay isang taon mula sa petsa ng involuntary separation.
Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.