by Info @Buti na lang may SSS | Jan. 19, 2025
Dear SSS,
Magandang araw! Nais kong malaman kung bakit mahalaga ang tinatawag na Mandatory Provident Fund Program para sa mga miyembro ng SSS? At paano ko makikita ang record ng naihuhulog ko sa nasabing programa? Salamat. — Sonia
Mabuting araw sa iyo, Sonia!
Mahalaga ang Mandatory Provident Fund (MPF) Program sapagkat ito ay nagsisilbing karagdagang social protection ng mga miyembro na naghuhulog sa matataas na Monthly Salary Credit (MSC) bukod sa kanilang regular SSS program.
Ang MPF Program ay pagpapatupad ng isa sa mga probisyon sa ilalim ng Republic Act No. 11199 o ang Social Security Act of 2018 na sinimulan noong Enero 2021. Ito ay isang retirement savings program na pinangangasiwaan ng SSS upang matulungan ang mga miyembro na makaipon ng mas malaki para sa kanilang pagreretiro. Tulad ng regular SSS program ay hinuhulugan din ito kada buwan.
Nasasakop ng MPF Program ang mga miyembro na ang compensation base o kinikita nila ay nasa ilalim ng P20,500 MSC hanggang P35,000 MSC at walang final claim sa ilalim ng regular SSS program. Ang MSC ang siyang basehan ng contributions at benefits ng SSS. Ang bawat halaga ng buwanang kita ng isang SSS member ay may karampatang MSC. Awtomatikong magiging MPF contributor ang mga miyembro na naghuhulog sa mga nabanggit na matataas na MSC.
Ang kanilang magiging buwanang hulog ay mula P75 hanggang P2,250. Kung sila ay employed member, paghahatian nila ng kanyang employer ang hulog para sa MPF Program. Kailangan namang ang miyembro ay aktibong naghuhulog ng kanyang buwanang kontribusyon sa ilalim ng regular SSS program.
Halimbawa, kung ikaw ay kumikita ng P23,750 kada buwan, bawat buwan ay maghuhulog ka ng P3,630 kada buwan kung saan ang P3,000 ay para sa iyong regular SSS contribution, P600 para naman sa MPF Program, at P30 na hulog para sa Employees’ Compensation (EC) Program. ‘Yung EC Program ay programa ng pamahalaan na pinangangasiwaan din ng SSS na nagbibigay ng dagdag-benepisyo kung ang aksidente, disgrasya, o sakit ay hango sa paghahanapbuhay.
Sa mga covered employee o mga miyembro na may employer, paghahatian nila ang hulog sa MPF Program, gaya ng sa regular na hulog sa SSS. Halimbawa, ikaw, Sonia ay kumikita ng P23,750 kada buwan at naghuhulog ng P600 bawat buwan para sa MPF, sasagutin ng employer mo ang P400 bilang employer share, samantalang sasagutin mo naman ang P200 bilang employee share.
Maaaring mai-check ng miyembro ang posting ng kanyang kontribusyon sa MPF Program sa pamamagitan ng kanyang My.SSS account. Mag-log in sa kanyang account sa My.SSS.
Ilalagak ng SSS sa iba’t ibang investment instruments ang mga kontribusyon ng mga miyembro sa MPF Program. Ang anumang kikitain dito ay ibabalik nang proporsyonal sa miyembro depende sa halaga ng kanilang contributions. Ang posted contribution sa isang buwan ay magkakaroon ng share sa investment income simula sa unang araw ng susunod na buwan. Hindi lamang nag-iipon ang miyembro kundi kumikita pa ang pinag-iipunan niya.
Sa iyong pagreretiro, Sonia pareho mong makukuha ang iyong retirement benefit mula sa regular na programa ng SSS at ang iyong naipon sa MPF Program. Ang MPF Program ay magandang pagkakataon upang magkaroon ka ng isang mas kumportableng pagreretiro kung saan lahat ng iyong naipon ay siya mo namang pakikinabangan sa kinabukasan. Bukod dito, ang iyong maiipon sa MPF Program ay tax-free at ginagarantiyahan ng SSS.
***
Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Maaaring bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran nang hulugan sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan, at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.