ni Mary Gutierrez Almirañez | April 20, 2021
Labing-apat na milyong doses ng bakuna kontra COVID-19 mula sa 4 na pharmaceutical companies ang inaasahang darating sa ‘Pinas sa ikalawang quarter ng taon, ayon kay Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, Jr. kagabi, Abril 19.
Batay sa ulat, tinatayang 1.5 million doses ng Sinovac ang maide-deliver sa bansa ngayong buwan, kabilang ang 500,000 doses na naunang dumating nitong April 11 at inaasahang masusundan pa iyon ng tig-kalahating milyong doses sa ika-22 at ika-29 ng Abril.
Inaasahang darating din ang mga bakuna ng AstraZeneca kapag natapos na ang vaccine-sharing scheme ng COVAX facility ngayong buwan.
Dagdag nito, darating na rin ngayong linggo ang paunang 20,000 doses ng Sputnik V mula sa Gamaleya Institute ng Russia at inaasahang masusundan ng 480,000 doses sa katapusan ng Abril.
Samantala, mahigit 195,000 doses ng Pfizer din ang inaasahang darating sa katapusan o sa unang linggo ng Mayo.
Pagsapit ng Mayo, magpapadala muli ang China ng karagdagang 2 million doses ng Sinovac, at susundan iyon ng 1 hanggang 2 million doses na bakuna galing sa Sputnik V. Magpapadala rin ang Moderna ng paunang 194,000 doses.
Sa Hunyo, mahigit 7 hanggang 8 million doses ang inaasahang darating sa bansa, kabilang ang 4.5 million doses ng Sinovac, 2 million doses ng Sputnik V at 1.3 million doses ng AstraZeneca.
Sa ngayon ay halos 1.4 milyong indibidwal na ang nabakunahan kontra COVID-19 na pinangunahan ng mga healthcare workers, pulis, senior citizen, may comorbidities, mga mayor at governor na nasa high risk areas.
Matatandaang inilabas na rin ang listahan ng A4 Priority Group na inaasahang mababakunahan sa kalagitnaan ng Mayo o Hunyo. Patuloy din ang online pre-registration para sa mga nais magpabakuna.