top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 26, 2021


Iniurong sa ika-28 ng Abril ang pagdating ng initial 15,000 doses ng Sputnik V COVID-19 vaccines na inaasahang darating sana kahapon, Abril 25, ayon sa National Task Force (NTF).


Paliwanag ng NTF, ang dahilan ng pagkaka-delay ay ‘logistic concerns’. Kaugnay nito, susundan naman iyon ng 480,000 doses sa ika-29 ng Abril, bilang karagdagang suplay mula sa Gamaleya Research Institute ng Russia.


Nauna nang sinabi ng Department of Health (DOH) na nangangailangan ang Sputnik V ng cold storage facility na hindi lalagpas sa 18 degree Celsius na temperatura.


Sa ngayon ay 3,525,600 doses ng bakuna na ang dumating sa bansa, kabilang ang 3 milyong doses ng Sinovac at 525,600 doses mula sa AstraZeneca.

 
 

ni Lolet Abania | April 24, 2021




Ipadadala lamang sa mga local government units (LGUs) ang inaasahang dumating sa bansa na doses ng Sputnik V COVID-19 vaccine na gawa ng Russia kung matutugunan ng mga ito ang karapat-dapat na storage at handling standards ng bakuna, ayon sa pahayag ng Department of Health (DOH).


Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang nasabing vaccine na na-develop ng Gamaleya Institute ay kinakailangang naka-store sa madilim na lugar na may temperatura na hindi tataas sa -18 degrees Celsius, isang requirement kung saan ang ibang LGUs ay hindi ito matutugunan.


Ang temperature standards para sa Sputnik V ay mas mababa kumpara sa Sinovac at AstraZeneca, na maaaring ilagay sa normal storage facilities dahil parehong nangangailangan ang mga ito ng temperatura na nasa 2 hanggang 8 degrees Celsius.


Sa ngayon, ang dalawang brands ng bakuna ang ginagamit sa bansa para sa COVID-19 vaccination drive. Sinabi ni Vergeire na dahil sa nararapat na storage requirement, ang Sputnik V ay hindi maipapamahagi sa lahat ng rehiyon sa bansa.


“Pagdating ng Sputnik V, mayroon lang pong assigned LGUs because they have the capability to store ‘yung said vaccines... Kaya hindi natin maibigay sa lahat ng ating regions,” ani Vergeire sa briefing ngayong Sabado.


Matatandaang binanggit ng DOH na inaasahang darating ang Pfizer at Sputnik V vaccines sa katapusan ng buwan. Binigyan na ang parehong COVID-19 vaccines ng emergency use authorization ng Food and Drug Administration (FDA), isang pre-requisite para sa distribusyon at paggamit nito sa bansa.


Samantala, nitong Huwebes, may 500,000 doses ng Sinovac vaccines ang dumating sa 'Pinas. Ipapamahagi ito sa mga LGUs para ipagpatuloy ang pagbabakuna ngayong weekend, ayon kay Vergeire.


Sa datos ng gobyerno hanggang April 22, aabot na sa 1.6 milyong Pinoy ang nabakunahan kontra-COVID-19, kabilang na ang 200,000 na nakatanggap ng parehong doses ng two-jab regimen.


 
 

ni Lolet Abania | April 22, 2021




Darating sa bansa ang COVID-19 vaccines na gawa ng Gamaleya Research Institute ng Russia at Pfizer simula sa susunod na linggo, ayon sa deputy chief implementer against COVID-19 na si Secretary Carlito Galvez, Jr..


Sa isang news conference sa Palasyo ngayong Huwebes, sinabi ni Galvez na inisyal na 15,000 Sputnik V doses ang inaasahang darating sa April 25, habang ang susunod na batch na 480,000 doses ay ipadadala sa bansa sa April 29, kasabay din ng 500,000 Sinovac doses.


Ayon pa kay Galvez, ang 195,000 doses ng Pfizer vaccine mula sa COVAX Facility ay darating sa katapusan ng buwan.


Nakatakda namang magbakuna sa mga mamamayan nang 1 hanggang 2 milyong Sputnik V shot sa Mayo at 2 milyon naman sa Hunyo.


Sinabi rin ni Galvez na inaasahang dumating ang inisyal na 194,000 doses ng Moderna vaccine sa Mayo.


Samantala, aabot na sa 1.4 milyong Pinoy ang nabakunahan kontra COVID-19 nang simulan ang mass immunization campaign noong Marso 1, ayon sa datos ng gobyerno.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page