ni Mary Gutierrez Almirañez | May 10, 2021
Nilinaw ng Department of Health na sila ang magsusumite ng application para sa emergency use authorization (EUA) ng Sinopharm COVID-19 vaccines at hindi ang Chinese manufacturer nito, batay sa naging panayam kay DOH Secretary Francisco Duque III ngayong umaga, Mayo 10.
Aniya, “Mag-a-apply tayo. Iyan ang proseso. Iyan ang kailangang sundin na proseso, batay sa komunikasyon sa ating FDA Director General Eric Domingo.”
Sabi pa niya, "Ngayong umaga, ang DOH, mag-a-apply ng emergency use authorization sa FDA para sa Sinopharm dahil meron na tayong emergency use listing na inilabas ng WHO nu’ng Sabado.”
Sa ngayon, ang mga bakunang may EUA pa lamang ay ang Pfizer, AstraZeneca, Sputnik V, Sinovac, Johnson & Johnson, Bharat Biotech at Moderna.
Matatandaan namang nagpabakuna kamakailan si Pangulong Rodrigo Duterte at ang Presidential Security Group (PSG) gamit ang Sinopharm ng China, kahit na hindi pa iyon nagagawaran ng EUA.