top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | November 9, 2021



Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsalubong sa dumating na 2.8 million doses ng Sputnik V sa Villamor Air Base sa Pasay City nitong Lunes ng gabi.


Ang mga naturang bakuna ay binili ng Pilipinas sa Russia.


Nagpasalamat si Pangulong Duterte sa gobyerno ng Russia sa patuloy na pagsuporta nito sa mga programa ng pamahalaan laban sa COVID-19.


Aniya, patunay lamang ito na tinutupad ng Russian government ang kanilang pakikiisa sa layuning magkaroon ng vaccine equity at accessibility sa lahat ng bansa, lalo na ang Pilipinas.


Umapela rin ang Pangulo sa mga Pilipino na makiisa sa pagsugpo sa COVID-19 sa pamamagitan ng pagpapabakuna at pagsunod sa minimum health standards.


“The government cannot do this alone, and we need your active participation by getting vaccinated and strictly following minimum health standards,” ani Duterte.


Samantala, umabot na sa 7.19 milyon ang natanggap na bakuna ng bansa mula sa 10 milyon doses na inorder ng gobyerno.

 
 

ni Lolet Abania | June 23, 2021



Darating ang tinatayang 50,000 doses ng Sputnik V COVID-19 vaccine na nakatakdang i-deliver sa Pilipinas sa susunod pang mga araw, ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr.. Ipinaalam ng Russian Direct Investment Fund (RDIF) sa National Task Force Against COVID-19 vaccine cluster noong June 20 na ang pagdating ng vaccine doses ay ipinagpaliban, ani Galvez, “due to ongoing upgrades and latest developments on the vaccine.”


“RDIF has committed to update the Philippine Government on the definite date of delivery of the vaccines,” sabi pa ni Galvez.


Ang 50,000 shots ay nakalaan para sa second dose ng mga indibidwal na naunang nabakunahan nito lamang buwan ng Component I vaccines ng naturang brand. “We have already informed all local government units who have administered the first dose of Sputnik V to their constituents that the schedule for the second shot will likewise be pushed back and will be rescheduled,” saad ni Galvez.


Tiniyak naman ni Galvez sa publiko na ang nangyaring “unforeseen delay” sa pagdating ng mga bakuna ay hindi magkakaroon ng anumang kompromiso sa efficacy ng vaccines.


“We seek your kind understanding that this development is beyond the control of the Philippine government. The manufacturer is seeking more ways to improve and upgrade the vaccine that would be more beneficial and would be more effective in battling the emergence of new variants,” sabi ni Galvez. Sa ngayon, nakatanggap na ang Pilipinas ng 180,000 doses ng Sputnik V vaccine.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 12, 2021



Dumating na sa Pilipinas ang karagdagang 100,000 doses ng Sputnik V COVID-19 vaccines mula sa Russia noong Biyernes nang gabi.


Bandang alas-10:32 nang gabi lumapag sa Ninoy Aquino International Airport terminal 3 ang Qatar Airways flight QR 928 na may lulan ng naturang bakuna laban sa COVID-19.


Ito na ang 3rd batch ng Sputnik V vaccines na dumating sa bansa at sa kabuuan ay mayroon nang natanggap na 180,000 doses ng bakuna ang Pilipinas mula sa Gamaleya Institute.


Si Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., kasama si Russian Ambassador to the Philippines Marat Pavlov ang sumalubong sa pagdating ng Sputnik V vaccines.


Samantala, ayon sa National Task Force against COVID-19, dadalhin ang mga bakuna sa cold storage facility sa Marikina City.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page