Inihahanda ni dating Five-division world champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire ang sarili niya sakaling dumating na ang pagkakataon na muling makasabak sa ibabaw ng ring matapos ang mahabang pagkaka-antala ng boksing at ng maraming sports dulot ng pandemic.
Ilan sa mga masusing pag-aaralang pasuking laban ng 37-anyos na Filipino-American ay ang rematch kay dating super bantamweight champion Guillermo Rigondeaux ng Cuba at World Boxing Council (WBC) bantamweight titlist Nordine Oubaali ng France.
Natikman ni Donaire ang kanyang ikalawang talo at pagkawala ng kanyang World Boxing Organization (WBO) at The Ring 122-lbs title belt sa kamay ni Rigondeaux para sa unification bout noong Abril 13, 2013 sa pamamagitan ng unanimous decision sa Radio City Music Hall sa New York City.
Kung papalaring manaig sa susunod na laban sa pagbabang muli sa bantamweight division ay maaaring magkaroon na ito ng pagkakataon na maipaghiganti ang kanyang pagkatalo sa dating two-time Olympic gold medalist na nagawa niyang mapabagsak sa 10th round ng kanilang laban.
“You know me, man. I’m a fighter. I’ll fight anybody,” saad ni Donaire sa panayam sa kanya nina Kenneth Bouhairie at Michael Rosenthal sa “The PBC Podcast” sa premierboxingchampions.com. “But mainly, [bantamweight] is my territory. So, I’m excited with that one as well, the thought of it.”
Kasabay ng pagbaba ni Donaire ay nagpamalas din ang 39-anyos na Cubano sa kanyang 118-lb debut ng pabagsakin si Liborio Solis sa 7th round para sa bakanteng WBA world bantamweight title noong Pebrero 8 sa PPL Center sa Allentown, Pennyslvania.
Hindi naman pinalad sa kanyang huling laban ang Talibon, Bohol-native kay Japanese star at multiple-bantamweight titlist na si Naoya Inoue (19-0, 16KOs) sa pinale ng World Boxing Super Series sa pamamagitan ng 12-round unanimous decision victory sa Saitama Japan noong Nobyembre 7 ng nakaraang taon.