Nagnegatibo ang mga manlalaro, coaches, opisyal, at staff ng NLEX Road Warriors sa COVID-19 tests. Ito ay ayon sa team manager ng Road Warriors na si Roland Dulatre sa kanyang Twitter account.
Kamakailan ay sumailalim sa COVID-19 test ang mga kasapi ng Road Warriors sa utos na rin ng team owner na si Manny V. Pangilinan.
Ang COVID-19 test ay isa sa mga rekisito ng PBA upang makabalik sa ensayo na siyang inaasam na ng liga pagkaraang gumawa ng sulat sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF).
Ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial, istrikto ang health protocols na balak ipatupad ng liga kung papayagan ng IATF na mag-ensayo na ang mga koponan sa liga. Ayon sa isa sa mga protocols, anim lamang ang makakapag-ensayo sa bawat koponan, apat dito ay manlalaro, isang trainer, at isang health officer.
Samantala, kamakailan din ay nagbigay ng donasyon ang NLEX Road Warriors ng face masks at face shields kay Defense secretary Delfin Lorenzana para sa We Heal As One na pasilidad sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Kabilang sumama sa turnover ay sina NLEX coach Yeng Guiao, Asi Taulava, Cyrus Baguio, Jr., Quinahan, Kyles Lao at Kevin Alas.