Nakatakdang gumawa ng isang kasaysayan si two-division UFC champion Amanda Nunes sa darating na laban nito kontra kay Felicia Spencer sa Sabado sa U.S. (Linggo Hunyo 7 sa Pilipinas) bilang pagdepensa niya sa kanyang featherweight title sa 12-bout UFC 250 sa APEX facility sa Las Vegas, Nevada.
Ang 32-anyos na tubong Pojuca, Bahia, Brazil ay maaaring maging kauna-unahang babaeng UFC champion na nakapagdepensa ng titulo sa dalawang kategorya; ikatlo sa listahan kina Daniel Cormier (Heavyweight at Light-Heavyweight) at Henry Cejudo (Flyweight at Bantamweight).
Susubukan ng Canadian mixed-martial artist na si Spencer na maunsyami ang plano ni Nunes para makahanap ng isang upset sa main event, kung saan liyamado ng husto ang Brazilian fighter sa mga pustahan [Nunes -650 favorite (risk $650 para manalo ng $100], habang +475 underdog si Spencer na pwedeng kumita ng $475 sa tayang $100.
Nagawang makuha ng tinaguriang “The Lioness” ang kanyang featherweight title nang tapusin nito sa loob lamang ng .51 segundo ang dating kampeon na si Cris Cyborg noong UFC 232 sa pamamagitan ng knockout punches noong Disyembre 29, 2018 sa Inglewood, California.
Hawak ang 10-bout winning streak simula noong 2015, kabilang sa mga biktima ng Brazilian queen ay sina dating UFC women’s bantamweight champions Miesha Tate, Holly Holm at si dating Olympic medalist at 1st bantamweight champ Ronda Rousey; masusubukan ang tatag laban sa dating Invicta FC featherweight titlist nagawang manaig sa first round knockout win laban kay Zarah Fairn Dos Santos noong Pebrero 29 sa Norfolk, Virginia.
Kinakailangang mag-ingat ng husto ni Nunes sa grappling at submission skills ni Spencer na nanaig ng apat sa walong panalo nito mula sa ground game, na may isang talo lamang mula kay Cyborg dahil sa unanimous decision.