Photo: Espn5
Ipinakita ni Stefanos Tsitsipas ng Gresya kung bakit siya ang numero anim na manlalaro ng Tennis sa buong mundo sa pamamagitan ng kanyang 6-2 at 6-1 na pagwalis kay AJ Lim ng Pilipinas sa pagsisimula ng 2020 Davis Cup World Group II Playoffs sa Philippine Columbian Association (PCA) Tennis Courts Biyernes ng umaga. Sa sumunod na singles, nagwagi ang nakababatang kapatid ni Tsitsipas na si Petros Tsitsipas kay Jeson Patrombon sa parehong iskor na 6-2 at 6-1.
Sa unang set pa lang ay umarangkada kaagad ang pambato ng mga Griyego, 4-0. Nagwagi si Lim sa ika-limang puntos subalit diniretso agad ni Tsitsipas para makuha ang set. Nawala ang paunang kaba ni Lim at nakuha niya ang unang puntos ng pangalawang set. Subalit hindi na natinag si Tsitsipas at tinapos agad ang pangalawang set sa anim na sunud-sunod na puntos. “I did my best. I gave everything I got and I feel proud representing the country,” wika ni Lim pagkatapos ng laban. “I will be ready if our captain Chris Cuarto will field me for the reverse singles.”
Sa laban nina Petros at Patrombon, wagi ang Griyego sa napakahabang ikatlong puntos sa pangalawang set upang lumamang, 2-1. Hindi na nakabawi si Patrombon at idiniretso na ng 19-anyos na si Petros ang set para sa pangkalahatang 2-0 na lamang sa tie.
Dahil bigo sa dalawang singles, kailangang manalo ang Pilipinas sa doubles sa araw na ito at sa reverse singles. Nakatakda para sa doubles sina Ruben Gonzalez at Francis Casey Alcantara kontra kay Petros at Markos Kalovelonis simula ng 10:00 a.m.
Ayon sa mga patakaran ng Davis Cup, maaaring magpalit ng manlalaro ang mga kapitan isang oras bago ang takdang simula. Kahilt malalim ang butas, tiwala pa rin ang mga Pinoy netters na kakayanin nila ito lalo na at naglalaro sila sa harap ng mga kababayan.