Isasagawa na ng Philippine Sports Commission (PSC) ang paglulunsad ng Children’s Games sa island-municipality ng Limasawa sa probinsiya ng Southern Leyte sa Marso 28-29.
Lalahukan ng may 500 kabataan sa anim na barangay sa Limasawa at malapit na munisipalidad na sasabak sa ilang mga palaro na kinabibilangan ng beach games, triangular at sprint swimming at modern pentathlon.
Minsan nang naunsyami ang naturang palaro na inorganisa ng ahensya ng pampalakasan bilang parte ng selebrasyon ng ika-499th anibersaryo ng unang Misa sa Pilipinas, dahil sa kasagsagan ng paglaganap ng coronavirus disease (COVID-19). “We are thankful for the go signal given by the regional offices of the Department of Health and Department of Interior and Local Government to proceed with the games,” pahayag ni PSC Commissioner Ramon Fernandez.
Magkakaroon din ng mga paligsahan gaya ng water sports tulad ng Kayak race para sa 18-under at sailing competitions para sa 16-under na gaganapin simula Marso 30-Abril 1. “We want to capitalize on bringing sports to the youth sector of the island, which makes up one-third of its total population,” saad ni Fernandez.
Isang pagpupulong ang gaganapin sa pagitan nina Commissioner Fernandez, Limasawa leader Melchor Petracorta at lahat ng local government officials sa Southern Leyte sa susunod na linggo para sa preparasyon ng week-long events. Nauna nang binisita ng UNESCO ang mga munisipal na baybayin at nagsagawa ng isang open-water swimming competition noong nakaraang taon.