Sinorpresa ni American wrestler Justin Gaethje ang madla nang pabagsakin nito ang heavy-favored na si Tony Ferguson upang makamit ang UFC interim Lightweight title at magkaroon ng karapatan para labanan ang undisputed champion na si Khabib Nurmagomedov.
Ibinuhos lahat ni Gaethje ang lakas upang ibigay ang isang technical knockout victory laban kay Ferguson sa 3:39 mark ng 5th round sa loob ng bakanteng VyStar Veterans Memorial Arena.
Ipinakita ni Gaethje ang kabuuang dominasyon sa laban simula sa unang round pa lamang ng paulit-ulit nitong gulpihin ni Ferguson sa matatalim na suntok, sipa at mga kumbinasyon kung saan sa huling round ay tila sumuko na si Ferguson mula sa mga suntok ni Gaethje para tuluyang ipatigil ni referee Herb Dean ang laban.
“I'm waiting for the real one,” sambit ni Gaethje matapos makuha ang interim title at ihagis ito sa gilid. “I knew I was a killer stepping in here. I'm good bro."
Muli namang nadepensahan ni Henry Cejudo ang kanyang UFC bantamweight title nang patumbahin nito si dating kampeon na si Dominick Cruz sa 2nd round dulot ng malulupit na tuhod – ngunit tila ito na rin ang huling beses na makakapagpatumba siya sa loob ng octagon – matapos ideklara nito ang kanyang pagreretiro sa MMA world.
Nakabawi naman sa kanyang dalawang sunod na pagkatalo si dating lightweight champion Anthony Pettis nang talunin nito si Donald “Cowboy” Cerrone sa pamamagitan ng unanimous decision sa welterweight division.
Nakamit ng 33-anyos na si Pettis ang panalo mula sa mga hurado sa pamamagitan ng 29-28, 29-28 at 29-28 upang umangat ang rekord nito sa 23-10-0. Nakabawi si Pettis sa dalawang sunod na talo mula kina Carlos Diego Ferreira sa rear-naked choke sa UFC 246 at kay Nate Diaz noong UFC 241 (decision).
Nagwagi rin sa kani-kanilang laban sina Francis Ngannou kay Jair Rozenstruik via first-round TKO (punches), Calvin Kattar kay Jeremy Stephens via second-round knockout (elbow), Greg Hardy kay Yorgan de Castro via unanimous decision (30-27, 30-27, 30-27), Aleksei Oleinik kay Fabricio Werdum via split decision (29-28, 28-29, 29-28), Carla Esparza kay Michelle Waterson via split decision (30-27, 27-30, 29-28), Vicente Luque kay Niko Price via third-round TKO (doctor stoppage), Bryce Mitchell kay Charles Rosa via unanimous decision (30-25, 30-25, 30-24) at Ryan Spann kay Sam Alvey via split decision (29-28, 28-29, 29-28).