Isa si dating PBA superstar Paul “Bong” Alvarez sa mga nagsisilbing frontliner sa laban ngayon kontra COVID-19. Imbes na manatili sa loob ng kanyang tahanan, sumasama si Mr. Excitement sa paghatid ng tulong sa mga apektado ng krisis sa kalusugan.
Kamakailan ay sinamahan niya ang Talino at Galing ng Pinoy ni Jose “Bong” Teves Jr. upang maghatid ng pagkain at relief goods sa mga residente ng Brgy. Bagong Silangan at Brgy. Holy Spirit sa Quezon City. “Ang TGP ay isa sa mga aktibong partido at ang daming natulungan at tutulungan,” wika ni Alvarez. “Masasabi ko na tinupad namin ang aming mga pangako."
Maliban sa Quezon City, aktibo rin si Alvarez sa Pasig City at San Pedro, Laguna. Bago pa.man ang pandemya, ang 51-anyos na si Alvarez kasama ang mga kapwa alamat ng PBA ay naglalaro sa mga exhibition game kung kaya nananatiling kondisyon ang kanyang pangangatawan, isang mabuting paraan upang makaiwas sa mga sakit.
Kung siya ang tatanungin, mahirap at hindi pa panahon para buksan ulit ang PBA at ang palakasan kahit hinahanap ito ng mga tagahanga. “Magtiis muna tayo at magkaisa, lalampasan natin ang pagsubok na ito at makakapanood ulit tayo ng laro baka sa 2021 na,” ani Alvarez.
Naglaro si Alvarez sa PBA mula 1989 hanggang 1998 para sa Alaska, Santa Lucia, Formula Shell, San Miguel Beer at Barangay Ginebra. Lumipat siya sa Metropolitan Basketball Association (MBA) mula 1999 hanggang 2001 at naglaro sa Pampanga Dragons, Pasig-Rizal Pirates at Socsargen Marlins bago bumalik sa PBA at wakasan ang kanyang karera sa FedEx, Talk ‘N Text at Red Bull noong 2004-2005.