Sumipa ng panibagong gintong medalya si 2019 Southeast Asian Games gold medal winner Jocelyn Ninobla sa ginanap na 2020 PTA National Online Taekwondo Poomsae Championships nitong nakalipas na weekend kasunod ang isang international tournament makalipas ang tatlong linggo.
Dinaig ng University of Santo Tomas graduating student-athlete ang teammate nitong si Aidaine Krishia Laxa sa Senior Female Blackbelt category sa iskor na 8.333 puntos laban sa 8.150 ng huli, ayon sa pagkakasunod, habang naiuwi naman ng De La Salle University jins Daphne Ching (8.100) at Mikee Rose Regala (8.067) ang bronze medals.
Nito lamang Mayo ay napagwagian ng biennial meet women’s recognized champion ang titulo sa 1st Online Daedo Open European Poomsae Championships na ginanap simula Mayo 4-10 sa women’s under 30 Female Individual event sa pagkuha ng kabuuang puntos na 7.565 para sa isa sa tatlong ginto ng bansa.
Noong nakalipas na 30th edition ng SEAG na ginanap sa bansa ay nagawang makamit ni Ninobla ang kampeonato sa pamamagitan ng gabuhok na kalamangan sa 4.833 points laban kay Thailand opponent Ornawee Srisahakit na may 4.832 pts.
Para sa sports management graduating student-athlete, higit na mas pinaghandaan nito ang national championships kumpara sa international meet dahil bahagyang kinulang sa abiso ang pandaigdigang kompetisyon.
“Tingin ko po mas maganda iyong performance ko this national dahil mas napaghandaan ko po ito and also mas nag-aim po ako ng higher for this,” wika ni Ninobla sa panayam sa kanya ng Radyo Pilipinas 2. “Medyo biglaan po kasi iyong European meet kase short notice lang po siya, kaya after that na-inspired ako na mas pagbutihan ko pa, and isa pa po medyo nakaka-pressure iyong nationals,” dagdag nito na patuloy na naghahanda para sa mga darating na kompetisyon, para makamit ang inaasam na ginto sa World Championships, gayundin ang 2021 SEA Games sa Vietnam at 2022 Asian Games sa Hangzhou sa China.
Buong tikas ring ipinamalas ni 30th SEAG silver medalist Patrick King Perez ng La Salle ang husay sa virtual online nang makuha ang 7.967 marka para higitan ang team na si Raphael Mella na may 7.933 para sa silver medal. Napunta ang bronze medals kina Joshua cachero ng Iloilo MVP (7.750) at Dominic Navarro ng UP Diliman (7.733).
“Hindi po ganoon naging kadali iyong performance kase kailangan ng matinding adjustments at home workout,” pahayag ni Perez. “Naging dikitan din po iyong laban namin, pero medyo sinuwerte lang kase smooth iyong performance ko dahil maluwag po iyong gym na pinaggalawan ko po,” dagdag nito.
Tinatayang 1,000 taekwondo jins ang nagpartisipa mula edad 6-60 anyos sa kauna-unahang online poomsae event.