Bago nagkaroon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) at sinara ang mga paliparan, tahimik na umuwi si Mohamed Pare ng Saint Clare College of Caloocan, ang kasalukuyang Most Valuable Player ng National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU), sa kanyang bayan ng Mali. Ito ay para tanggapin ang alok na maging bahagi ng kanilang pambansang koponan na lalahok sa FIBA Afrobasket 2021 qualifiers ngayong taon subalit pumutok ang krisis sa COVID-19.
Natunugan ng Federation Malienne de Basketball ang mahusay na nilaro ni Pare, isang 6’7” na sentro, sa nakaraang NAASCU at PBA D-League kung saan parehong kampeon ang Saint Clare. Inabot ng halos dalawang araw ang kanyang lakbay mula Maynila patungong Hong Kong, Addis Addaba at nagwakas sa Bamako, ang kabisera ng Mali sa Kanlurang Aprika.
Nabunot ang Mali sa Grupo D kasama ang Algeria, Rwanda at Nigeria, ang pumangalawa sa Tunisia noong huling Afrobasket 2017. Nakatakda sa Nobyembre ang mga unang laro at magkikita sila muli sa Pebrero upang malaman ang unang tatlo sa grupo na tutuloy sa Afrobasket 2021 na gaganapin sa Kigali, Rwanda.
“Malaking pagkakataon ito kaya pumayag ako na umuwi siya at nangako sa akin si Mohamed na babalik siya para sa NAASCU,” wika ni Coach Jinino Manansala. Subalit bunga ng kasalukuyang sitwasyon, pinaghahandaan ni Coach Manansala at ng Saints ang posibilidad na depensahan ang kanilang korona gamit ang purong Pinoy na koponan.
Ang Mali ay isa sa mga umuusbong na bansa sa Basketball. Noong nakaraang 2019 FIBA Under-19 World Cup sa Gresya, ginulat ng Mali ang lahat matapos pumangalawa sa higanteng Estados Unidos.