Umani ng papuri mula sa Olympic Council of Asia (OCA) ang programa ng Philippine Olympic Committee (POC) nang mamahagi ng bisikleta sa mga pambansang atleta bilang paghanda sa tinaguriang new normal. Ito ang masayang ibinalita ni POC President Rep. Abraham Tolentino sa Philippine Sportswriters Association Forum (PSA) na ginanap online sa internet noong Martes.
“Naglaan kami ng 100 bisikleta subalit 258 na atleta ang nagbigay ng aplikasyon para makakuha nito kaya baka dagdagan pa natin at maging 300 bisikleta,” wika ni Tolentino na presidente din ng PhilCycling. “Sasagutin ko rin mula sa aking personal na pondo ang mga helmet dahil hindi ito naisama sa una.”
Pagdating sa 2020 Tokyo Olympics, buhay pa rin ang pag-asa na makalahok ang bansa sa Cycling. Malakas ang tsansa ni Ariana Dormitorio na mabigyan ng wild card entry sa Women’s Mountain Bike habang bukas pa ang pinto para sa makakakuha ng puwesto ang BMX riders.
Bahagi ng paglahok sa Olympics ang mga qualifier sa ibang bansa kaya pabor si Tolentino na gawin ang rapid testing sa mga aalis na atleta. Handa na rin sila sa posibilidad na hanapan ang mga ito ng sertipikong medikal at daraan sa quarantine oras na lumapag sila sa patutunguhan.
Kasama ang Cycling sa mga disiplina na pinayagan ng Inter-Agency Task Force sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ). Subalit naniniwala siya na hanggang wala pang bakuna ay hindi pa panahon para sa mga malakihang palaro at mahirap ang magsisihan.
Inihayag din ang plano ng Pilipinas na maging punong abala sa mga malaking palaro sa Asya gaya ng Asian Indoor and Martial Arts Games at Asian Beach Games sa mga susunod na taon. May panukala na sa Pilipinas ganapin ang 2030 Asian Games matapos ang matagumpay na 30th Southeast Asian Games noong Disyembre.