ni MC @Sports News | Feb. 5, 2025
Photo: Inaaasintang mabuti ni Fil-Am Kathleen Dubberstein ang sulong ng curling habang nakamasid ang kakamping si Filipino-Swedish Marc Pfister sa isang aksiyon na ito ng laban sa 9th Asian Winter Games sa Harbin, China. Tinalo ng 'Pinas ang South Korea at Kyrgyzstan. (pocpix)
Maagang nagpakitang-gilas ang Pilipinas sa Ninth Asian Winter Games sa Harbin sa bisa ng 12-6 na panalo kontra South Korea at Kyrgyzstan, 10-2 sa mixed doubles team event ng curling kahapon sa Pingfang Curling Arena.
Binigyan ng bangungot ng unranked pair nina Filipino-Swedish Marc Pfister at Fil-Am Kathleen Dubberstein ang mga world’s No. 13 at Asia’s top-seeded South Korean tandem nina Jihoon Seong at Kim Kyeongae sa simula ng round robin games sa Group A.
Pagdating ng hapon ay tinalo rin ang tambalan nina Keremet Asanbaeva at Iskhak Abykeev sa 2-0 start. “It’s indeed a delightful news and a great start for Team Philippines,” ayon kay Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino bago magtungo sa Harbin.
“It’s morale boosting ahead of this Friday’s opening ceremony and I hope we stay this way,” dagdag niya na sasamahan si chef de mission Ricky Lim at mag-aasikaso sa hapunan ng 20-athlete Team Philippines sa Huwebes.
“We are definitely the underdog team here but our athletes are here to compete and they are proud to represent the country,” saad ni Curling Pilipinas secretary-general Jarryd Bello. “We have a chance to secure a medal we beat one of the top teams already.”
May 11 bansa ang aaksiyon sa mixed doubles event at nahahati sa 2 grupo. Sunod na makakalaban nina Pfister at Dubberstein ang Qatar ng 10 a.m. at China ng 6 p.m. para sa round-robin stage ngayong Miyerkules.
Sina short track speed skater Peter Groseclose at coach John Henry Krueger ay sasabak sa men’s 1,500 meters quarterfinal at 500 at 1,000 meters heats sa Biyernes.
Babanat sa Sabado ang figure skaters na sina Cathryn Limketkai at Sofia Frank habang sina Paolo Borromeo, Isabella Gamez at Alexandr Korovin ay sa Linggo.