ni Anthony E. Servinio @Sports | November 6, 2023
Mga laro sa Miyerkules – Araneta
11 a.m. ADMU vs. UST
1 p.m. UP vs. UE
4 p.m. NU vs. FEU
6 p.m. DLSU vs. AdU
Pumapalag pa ang host University of the East at piniga nila ang 87-86 overtime panalo sa Far Eastern University Linggo sa 86th UAAP Men’s Basketball Tournament sa MOA Arena. Hindi naubusan ng bayani ang UE at humugot ng matinding laro kay Rey Remogat, Abdul Sawat at Jack Cruz-Dumont.
Hindi basta tumiklop ang FEU at ipinilit ni Xyrus Torres ang overtime sa tres na may 48 segundo sa 4th quarter, 72-72. Iyan ang hudyat para kay Cruz-Dumont na maghatid ng dalawang buslo – ang pangalawa ay nagbalik ng 79-77 bentahe at hindi na nila binitawan ito sa last 2 minutes.
Inilatag ni Remogat ang pundasyon ng kanilang ika-apat na panalo sa 10 laro at 27 puntos na siya sa tatlong quarter lang subalit lamang pa rin ang FEU, 56-54. Ang 4th quarter ay naging pagmamay-ari ni Sawat na nagbagsak ng 11 ng kanyang 20 puntos bago ang tira ni Torres.
Nagtapos si Remogat na may 34 puntos sa 34 minuto. Sumuporta si Cruz-Dumont sa lima ng kanyang siyam sa overtime. Umakyat ang agwat sa 10 sa huling dalawang free throw ni Remogat, 87-77, at 38 segundo pero may huling hirit ang FEU at tumira ng tatlong tres si Jorick Bautista pero kinapos sila ng oras. Inulit ng UE ang 65-58 resulta sa parehong koponan noong Oktubre 7.
Sa aksiyon sa Women’s Division, ipinasok ni Gypsy Canuto ang bola na may isang segundo sa overtime upang hatakin ang defending champion National University kontra University of Santo Tomas, 77-76. Patuloy din ang arangkada ng pumapangalawang University of the Philippines at dinaig ang Ateneo de Manila University, 71-48.