ni Anthony E. Servinio @Sports | November 9, 2023
Mga laro sa Sabado – Araneta
9 a.m. UP vs. DLSU (W)
11 a.m. NU vs. UE (W)
2 p.m. UP vs. FEU (M)
4 p.m. NU vs. UST (M)
Pasok na ang University of the Philippines sa Final Four ng 86th UAAP Men’s Basketball Tournament matapos talunin ang host University of the East, 79-72, sa Araneta Coliseum Miyerkules. Doble ang selebrasyon at balik sa Women’ s Final Four ang UP sa kasabay na 70-55 panalo sa Far Eastern University sa Mall of Asia Arena.
Naging mahirap na kalaro ang UE at bumira ng tres si Jack Cruz-Dumont upang lumapit ng isang puntos lang, 72-73. Nakahinga ang Fighting Maroons sa buslo ni Francis Lopez, 75-72, at nabawi ang bola sa shot clock violation ng Warriors na may 19 segundong nalalabi.
Biglang gumuho ang Warriors at tinapos ng UP ang laro mula sa free throw para umangat sa 9-2 panalo-talo. Bumalik si MVP Malick Diouf mula sa pilay na pulso at nagbagsak ng 19 puntos at 15 rebound habang ginawa ni CJ Cansino ang 10 ng kanyang 17 sa second half.
Sinamahan ng Lady Maroons ang maagang nakapasok na defending champion National University. Nakahugot ng mahusay na numero kay Kaye Pesquera na may 17 at ang trio nina Christie Bariquit, Achrissa Maw at Rizza Lozada na may tig-11 puntos patungo sa kanilang ika-siyam tagumpay sa 11 laro.
Samantala, tinapos na ng defending champion Ateneo de Manila University ang kanilang bihirang tatlong sunod na talo at bigyan ng maagang bakasyon ang University of Santo Tomas, 67-59. Umangat ang Blue Eagles sa 5-6 habang muling hindi mapapabilang ang Tigers sa Final 4 sa pangatlong sunod taon at bumaba sa 1-10.
Sa iba pang resulta sa kababaihan, wagi ang Ateneo sa Adamson University, 69-61, at lumapit din sa Final Four. Nanatiling numero uno ang NU sa 73-64 panalo sa De La Salle University.