ni Gerard Peter - @Sports | April 13, 2021
Minsan nang pinagreynahan nina Elma Muros-Posadas, Lerma Bulauitan-Gabito at Marestella Torres- Sunang ang athletics event na long jump sa Pilipinas; ngunit sa kasalukuyang panahon, tila nagkukulang ang susunod sa yapak ng tatlong legendary champion – isang pagkakataon na nais makamit ni dating national team member Katherine “Khay” Santos.
Makailang ulit ng nagningning sa ilang mga international tournaments ang 30-anyos na Baguio City long jumper kabilang ang Asian Grand Prix at Southeast Asian Games – subalit minsan na ring tinalukuran ni Santos ang pampalakasang maaaring pangibabawan niya ng mga panahong nakalipas.
“Noong 2019 SEA Games, although wala ako sa stadium, pero based on the results, di tayo nakapasok sa 2019 SEAG. So parang sa akin, nalungkot talaga ako dun. Dumating ang point na sana andun ako. Yun ang moment na sabi ko dapat nandoon pa rin ako, pero dahil nag-stop ako so choice ko yun,” pahayag ni Santos sa weekly TOPS: Usapang Sports nitong nagdaang Huwebes sa Sports on Air webcast.
Ngunit sa pagkakataong ito, muling susubok ang 2011 SEA Games bronze medalist na makamtan ang naipagpalibang pangarap. “Ngayong 2021, talagang finalize na ang comeback ko kasi nakakalungkot na wala nang long jumper for the next SEA Games in Vietnam. And with my preparations, one day at the time ang ginagawa ko kasi mom ako, may baby ako na inaalagaan and I wanted to make sure na ang preparations sa training ko, hindi ako mai-injure. For now, I do strength & conditioning and more on endurance training ang ginagawa ko,” paliwanag ng 2014 PSC-POC Philippine National Gmes champion sa programang suportado ng Philippine Sports Commission (PSC). Games and Amusement Board (GAB) at Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR).
Napagtanto ni Santos na tila mayroon pa siyang misyong hindi pa napagtatagumpayan at naudlot na pangarap na nais patunayan para sa kanyang bansa. “’Yung reason ko bakit ako makaka-comeback is to prove myself and also the countrymen natin na kaya ko pa na hindi reason for me to stop na dahil mom ka,” eksplika ni Santos.