ni ATD - @Sports | April 15, 2021
Tama ang piniling destinasyon ni Pinoy cager Kai Sotto sa kanyang hangarin na makalaro sa National Basketball Association, (NBA).
At sang-ayon naman si Philippine Basketball Association, (PBA) legend Ramon Fernandez sa daan na pinuntahan ni Sotto.
Naniniwala si Fernandez na tama ang tinatahak na landas ni Sotto na kasalukuyang nasa U.S. para mag training upang maabot ang pangarap. "Ang masasabi ko lang, tama 'yung ginawa niya na nagpunta siya sa States at doon siya nag-training," lahad ni 19-time PBA champion at four-time PBA MVP, Fernandez, sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum.
Hindi nakapaglaro si 7-foot-3 Sotto sa nakalipas na NBA G League season kasama ang Ignite ngunit patuloy naman ang pagpapalakas ng 18-year-old big man upang maging handa anumang oras.
Samantala, isa sa naging susi sa tagumpay ni International Boxing Federation (IBF) super flyweight champion Jerwin Ancajas ay ang pagtulong sa kanya ni Tokyo Olympics-bound Eumir Felix Marcial.
Matagumpay na nadepensahan Ancajas ang titulo matapos talunin via unanimous decision si mandatory challenger Mexican Jonathan Rodriguez. Bilang ganti, hindi pa babalik ng Pilipinas si Ancajas, mananatili ito sa America upang tulungan si Marcial na naghahanda para sa Olympic Games na gaganapin sa Tokyo, Japan sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8. “Mag-stay pa muna kami rito dahil tutulungan pa namin si Eumir sa preparations niya sa Olympics,” ani Ancajas.
Sparring partners sina Marcial at Ancajas sa kanilang training camp sa America.
“Malaki ang naitulong niya sa sparring ko. Kaya wala kaming nasa isip ngayon kundi makuha ni Eumir ‘yung pangarap nating lahat na gold sa Olympics,” pahayag ni Ancajas.
Mananatili sa Los Angeles, California si Marcial at saka bumalik sa Pilipinas sa susunod na buwan para makasama ang national team sa training camp.
Samantala, sakto din na manatili si Ancajas sa America dahil nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) pa ang National Capital Region, (NCR) dahil namiminsala pa rin ang coronavirus (COVID-19).