top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | April 20, 2024




Sinagpang ng National University Lady Bulldogs ang kanilang ika-11 panalo sa bisa ng straight set 25-16, 25-14, 25-18 panalo kontra napatalsik sa kontensyon na Adamson University Lady Falcons sa main game ng 86th University Athletic Association of the Philippines (UAAP) women’s volleyball tournament sa Philsports Arena sa Pasig City.


Muling umangat ang laro ni opposite spiker Alyssa Solomon sa bisa ng 14 puntos mula sa 12 atake at tig-isang ace at block mula sa 50% attack efficiency tungo sa ika-anim na sunod na panalo ng Jhocson-based lady squad na puntiryang walisin ang kabuuan ng 2nd round sa Miyerkules kontra sa nag-aasam ng twice-to-beat bentahe na Far Eastern University Lady Tamaraws.


Sumegunda sa paluan si dating first Rookie/MVP Mhicaela “Bella” Belen na tumapos din ng 14pts mula sa 12 atake at dalawang aces, kasama ang limang digs at dalawang receptions, habang nag-ambag din sina Vange Alinsug sa 9 puntos, Sheena Toring sa 8 puntos at ace playmaker Camila Lamina na may 11 excellent sets.


“Siguro enjoyment every game, siguro noong first round du'n kami nagkulang, siguro 'yung maturity na 'di kami magrelax sa game at all-out kami kahit sino ang kalaban,” wika ng 6-foot opposite spiker sa post-game press conference na todo ang paghahanda na ginagawa maging sa kanilang pagsasanay. “Nag-start sa training kung ano yung na-train mo lalabas sa game, dapat all-out ka na sa training para mailabas sa laro.”


Aminado naman si 2-time UAAP junior’s MVP na si Belen na pursigidong makuha ang kanilang pinaka-layunin ngayong season, higit na ang mapagtagumpayan ang pagnanais na muling magkampeon matapos walisin ng defending champions na De La Salle University Lady Spikers noong 2023.


Walang manlalaro mula sa Adamson ang tumapos ng doble pigura ng lumikha lang si Ayesha Juegos ng 8 puntos mula sa anim na atake at 2 aces at 4 na digs, habang may ambag sina Ishie Lalongisip at Red Bascon na tig-6 na puntos.


Nakatakdang tapusin ng NU Lady Bulldogs ang kampanya sa elimination round kontra FEU Lady Tamaraws na nagawang sandalan si Congolese spiker Faida Bakanke upang suwagin ang ikalimang sunod na panalo laban sa kulelat na UP Lady Maroons sa iskor na 25-20, 27-29, 25-21, 25-21 sa unang laro upang manatiling buhay ang tsansa sa twice-to-beat bentahe, habang makakatapat ng Adamson Lady Falcons ang Ateneo Blue Eagles sa parehong araw sa unang laro.


 
 

ni Anthony Servinio @Sports | February 27, 2024




Lumayo ang bisitang Miami Heat sa huling 1:38 upang magwagi sa Sacramento Kings, 121-110 sa NBA kahapon sa Golden 1 Center. Winalis ng Heat ang dalawang tapatan ngayong taon at nagkita muli ang mga Pinoy pride head coach Erik Spoelstra at Kings assistant coach Jimmy Alapag.


Ang dunk ni Keegan Murray ang huling hirit ng Sacramento at nagbanta, 110-114. Mula doon ay ipinako sila ng depensa ng Miami na ipinasok ang huling pitong puntos para umangat sa ika-apat na sunod na panalo at kartadang 32-25.


Naglaro ng kulang ang Heat dahil suspendido sina Jimmy Butler, Thomas Bryant at Nikola Jovic matapos masangkot sa away sa New Orleans Pelicans noong isang araw. Nag-ambag si Bam Adebayo ng 28 puntos at 10 rebound at rookie Jaime Jaquez Jr. na may 26.


Sa ibang laro, kinumpleto ni Josh Hart ang three-point play na may 2.8 segundong nalalabi upang lusutan ng New York Knicks ang kulelat ng buong NBA Detroit Pistons, 113-111. Nanguna sa Knicks si Jalen Brunson na may 35 puntos at 12 assist at sumunod si bayani Hart na may 23.


Nagpamalas ng matinding opensa ang Toronto Raptors upang masugpo ang numero unong opensa ng liga Indiana Pacers, 130-122. Triple double si Scottie Barnes na 21 puntos, 12 rebound at 12 assist habang nanguna si RJ Barrett na may 24.

Nagtala ng 10 o higit ang buong first five at dalawang reserba ng Brooklyn Nets para tambakan ang Memphis Grizzlies, 111-86. Nangibabaw si Dennis Schroder sa kanyang 18 puntos at pinutol ng Nets ang kanilang apat na sunod na talo para umangat sa 22-35.


Samantala, nagkasundo si Coach Steve Kerr at Golden State Warriors na pahabain ang kanyang kasalukuyang kontrata hanggang 2026. Tinatayang babayaran siya ng $35 milyon o $17.5 bawat taon.

 
 

ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 15, 2021




Isang araw matapos mapatid ang kanilang 24 sunod na panalo sa Vivint Arena, bumalik sa tagumpay ang numero unong Utah Jazz kahapon at ibinuhos ang sama ng loob sa Oklahoma City Thunder, 106-96. Matamlay ang simula ng Jazz at akala ay babagsak ng dalawang sunod sa kanilang tahanan subalit nagising sila sa second half para sa kartadang 41-14.

Nanguna sa Utah sina Bojan Bogdanovic na may 23 puntos at Donovan Mitchell na may 22. Nagawang lumamang ang Thunder sa first quarter, 31-14, subalit unti-unting binawasan ito ng Jazz.

Sinigurado ng Phoenix Suns na hindi sila maiiwan ng Jazz at pinalamig ang bisitang Miami Heat, 106-86, para manalo ng ika-10 beses sa huling 11 laro. Double-double si Deandre Ayton na 19 puntos at 13 rebound at tinulungan ni Cameron Johnson na may 15 puntos.

Tumabla ang Brooklyn Nets kasama ang Philadelphia 76ers para sa liderato ng Eastern Conference sa 37-17 matapos talunin ang kulelat na Minnesota Timberwolves, 127-97, sa larong natuloy matapos ipagpaliban noong isang araw dahil sa malawakang protesta sa Minnesota bunga ng pagpatay ng pulis kay Daunte Wright, isang Aprikanong Amerikanong kabataan. Gumawa ng 31 puntos si Kevin Durant at 23 puntos si Joe Harris habang hindi naglaro sina Kyrie Irving at James Harden.

Nakaiwas sa malaking disgrasya ang defending champion Los Angeles Lakers at nakatakas sa Charlotte Hornets, 101-93, salamat sa mga mahalagang puntos nina Kyle Kuzma, Dennis Schroder at Alex Caruso sa huling tatlong minuto at humahabol ang Hornets. Nanguna sa atake si Kuzma na may 24 puntos at sinundan ni Schroder na may 19 habang 10 sa 13 ni Caruso ay sa fourth quarter.

Gumagana muli ang Boston Celtics sa kanilang naisin na makapasok sa playoffs at tinalo ang Portland Trail Blazers, 116-115, at umakyat sa 29-26 at lampasan ang Heat sa East. Bumida si Jayson Tatum sa 5 puntos sa huling minuto upang magtapos na may 32 habang 24 si Jaylen Brown at nakahinga ng maluwag ang Boston matapos hindi pumasok ang tres ni Damian Lillard sa huling busina.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page