ni Mary Gutierrez Almirañez | May 3, 2021
Nadagdagan na ang mga pinapayagang makapasok sa bansa simula nu’ng ika-1 ng Mayo, ayon kay Bureau of Immigration Spokesperson Dana Sandoval.
Aniya, kabilang sa mga pinapayagan na ngayon ay ang mga estudyante, empleyado at residente na may valid visa at existing immigrant at non-immigrant visa.
Kailangan lamang nilang magpa-book nang mas maagang accommodation para sa kanilang quarantine, kung saan kailangan din nilang sumailalim sa COVID-19 test sa ika-6 na araw ng pagku-quarantine.
Giit pa ni Sandoval, "'Yung mga turista po, 'di pa po muna natin mapapayagan. Para makapasok po sila, they would need to secure an exemption from the Department of Foreign Affairs."
Nilinaw din niyang bawal pa rin makapasok sa ‘Pinas ang mga biyahero galing India.
Nananatili namang limitado sa 1,500 katao ang mga puwedeng pumasok sa bansa kada araw.
Sa ngayon ay patuloy pa ring ipinatutupad ang travel restrictions, quarantine classifications at health protocols upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 at mga bagong variants nito.