ni Lolet Abania | June 29, 2022
Idineklara ng mga lokal na pamahalaan ng Pasay, San Juan at Navotas ang Hunyo 30, Huwebes, bilang special non-working holiday sa kanilang lugar para sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Nilagdaan ni Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano ang Executive Order No. 38, na nagdedeklara ng special non-working holiday para “matiyak ang kaligtasan ng mga residente” sa lungsod dahil sa mga road closures at mga protest rallies sa inagurasyon ni Marcos.
Gayunman ayon sa alkalde, ang Pasay City Treasurer’s Office ay bukas mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon upang tumanggap ng payments para sa huling araw ng kanilang pag-avail ng tax amnesty.
Nag-isyu naman si San Juan City Mayor Francis Zamora ng Executive Order No. 125, na nagdedeklara ng special non-working holiday sa Huwebes para “makatulong na masiguro ang kaligtasan ng lahat ng mamamayan at maayos na daloy ng trapiko” sa lungsod.
Naglabas din si Navotas City Mayor Toby Tiangco ng Executive Order No. 67, na nagdedeklara ng special non-working holiday sa buong lungsod sa nasabing araw.
Una nang lumagda noong Hunyo 24 si Manila Mayor Isko Moreno ng Executive Order No. 53, na nagdedeklara ng special non-working holiday sa Manila City “para matiyak ang kaligtasan, seguridad, at proteksyon ang mga partisipante” sa inagurasyon ni Marcos.
Manunumpa si Marcos bilang ika-17 pangulo ng Pilipinas sa Hunyo 30 sa National Museum of the Philippines sa Manila.