ni Lolet Abania | March 23, 2021
Sarado ang mga gyms, fitness centers, spas at internet cafes sa National Capital Region (NCR) kasabay ng ipinatutupad ng NCR Plus bubble policy mula Marso 22 hanggang Abril 4 dahil sa pagtaas ng COVID-19 cases, ayon sa Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ito ang inanunsiyo ni Roque ngayong Martes, matapos isang araw na payagan ang mga gyms at fitness centers na mag-operate na may 75% capacity, habang ang mga spa na may 50% capacity sa mga lugar na nasa NCR Plus hangga’t ang mga local government units (LGUs) ay walang iniisyung restriksiyon.
“Nagkasundo po ang Metro Manila mayors na sarado po sa susunod na dalawang linggo ang gyms, spas, at internet cafe,” ani Roque.
Nakapagtala ang bansa ng pinakamataas na bagong kaso na 8,109 ng COVID-19 kahapon, Marso 22, na siya ring unang araw ng pagpapatupad ng NCR Plus bubble policy.
Ang NCR Plus bubble policy ay bagong panuntunan ng gobyerno para sa mga residente ng Metro Manila at karatig-probinsiya ng Bulacan, Cavite, Rizal, at Laguna na hindi pinapayagang lumabas sa itinakdang NCR Plus border maliban kung ito ay isang essential trip, kabilang dito ang pagpunta sa lugar na pinapasukan, mula Marso 22 hanggang Abril 4.
Gayundin, ang NCR Plus bubble restriction ay nagbabawal naman sa mga mamamayan na hindi sakop ng bubble na pumasok sa nasabing lugar maliban kung ito ay essential trip.