top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 21, 2021




Tatlong suspek na nag-iisyu ng mga pekeng COVID-19 test results ang hinuli sa Las Piñas City, ayon sa pahayag ng Southern Police District ngayong araw, Abril 21.


Batay sa ulat, nagsagawa ang mga awtoridad ng entrapment operation nitong Martes sa isang medical clinic sa Alabang Zapote Road, Barangay Talon Dos kung saan nahuli ang mga gumagawa ng pekeng test results na sina Frederick Jude, Janice Dasco at Gabriela Dimaano.


Nakumpiska sa kanila ang dalawang RT-PCR test results, 4 rapid test results, certificate of registration, DTI business name registration, business license at Mayor’s permit. Nakita rin sa klinik ang mga nakarolyong aluminum foil, ilang piraso ng improvised glass tooter at mga bakas ng shabu residue.


Kaagad dinala ang mga narekober na kagamitan sa Station Drug Enforcement Unit office upang i-dispose.


Sa ngayon ay kakaharapin nila ang kasong falsification of public documents at violation of illegal possession of drug paraphernalia.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 17, 2021




Ipinasara ng awtoridad ang mga nadatnang nag-o-operate na tindahan at 24-hour na establisimyento sa ikalawang gabi ng unified curfew sa Metro Manila pasado alas-10 hanggang alas-5 nang madaling-araw nitong Martes, Marso 16.


Ayon kay Southern Police District Director Brig. Gen. Eliseo Cruz, sa Muntinlupa City ay pinuntirya nila ang mga convenience store na wala sa listahan ng mga pinapayagang magbukas habang oras ng curfew, taliwas sa inanunsiyo ng Las Piñas LGU na kabilang ang 24-hour convenience stores sa mga pinapayagang magbukas.


Iginiit naman ni Cruz na inabisuhan niya ang mga hepe na sakop ng Southern Police District upang klaruhin iyon sa kani-kanilang lokal na pamahalaan.


Aniya, puwede namang amyendahan ang mga ordinansa para isama ang 24-hour convenience store sa mga exempted na establisimyento ngunit hangga’t walang paglilinaw ay patuloy nilang ipasasara ang mga ito.


Kaugnay nito, bumaba naman ang bilang ng mga residente na nahuli sa kalsada habang ipinapatupad ang curfew hours sa Navotas, Caloocan at Quezon City.


Batay sa ulat, mula 80 indibidwal na hinuli nitong Lunes sa Caloocan ay mahigit 58 violators na lamang ang mga nahuli nang sumunod na gabi, habang sa Navotas naman ay bumaba na lamang sa 7 ang mga natikitan.


Sa Quezon City, mahigit 60 naman ang hinuli kabilang ang anim na menor de edad.


Sa ngayon ay umabot na sa 631,320 ang naitalang kaso ng COVID-19 sa bansa, kung saan 4,437 ang nadagdag sa mga nagpositibo.


Sa pagpapatuloy ng unified curfew ay umaasa ang pamahalaan na mababawasan ang mabilis na paglobo ng virus at ang bilang ng mga violators.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 10, 2021




Huli sa akto ang apat na adik habang nagsya-shabu session sa Bgy. Pio del Pilar, Makati City kung saan nagkakahalagang P135,000 ang nasabat na kontrabando nitong Martes nang hapon, Marso 9.


Ayon sa Southern Police District, nakatanggap sila ng sumbong mula sa isang concerned citizen at itinuro ang lugar na pinagpupugaran ng mga adik.


Nang puntahan nila ang ibinigay na address ay nadatnan nilang nakabukas ang pinto at doon na nga nadakip ang mga suspek. Tinatayang 20 gramo ng shabu ang nakuha sa kanila.


Kaugnay nito, magkahiwalay na operasyon din ang isinagawa ng mga awtoridad sa Tarlac kahapon, kung saan nasabat ang 380 gramo ng mga hinihinalang shabu na nagkakahalagang P2,594,000 mula sa dalawang tulak.


Sa ngayon ay nahaharap sa kasong Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga suspek.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page