ni Lolet Abania | December 14, 2020
Ipinasara ng pamahalaan ng South Korea ang lahat ng mga eskuwelahan sa Seoul at karatig-lugar simula bukas, Martes dahil sa mas matinding laban na gagawin ng nasabing bansa sa COVID-19 pandemic, kung saan nalampasan ngayon ang dating naiulat na mga kaso noong February.
Lahat ng paaralan sa capital region nito ay magpapatupad ng online classes hanggang sa matapos ang buwan, mula sa dati nitong isinasagawa na social distancing measures dahil sa naging pagtaas ng virus infection.
Isang hakbang ang pagsasara ng mga eskuwelahan sa ipatutupad na Phase 3 social distancing rules ng South Korea at isa ring pagkilos sa gagawing lockdown ng itinuturing na Asia’s fourth-largest pagdating sa ekonomiya.
Sa report ng Korea Disease Control and Prevention Agency (KDCA) ngayong Lunes, nakapagtala ng 718 bagong COVID-19 cases, mas mababa ito kumpara sa nai-record na daily increase na 1,030 kada araw kamakailan. Sa naiulat na bagong kaso, 682 dito ay locally transmitted.
Karamihan sa mga new cases ay galing sa Seoul at kalapit na port city ng Incheon, at Gyeonggi Province na tahanan ng mahigit sa 25 milyong katao.
Sa ngayon, may kabuuang 43,484 COVID-19 infections ang South Korea at may 587 ang namatay.
Nagsagawa na rin ang gobyerno ng South Korea ng isang massive tracing na manggagaling sa daan-daang tropa, pulisya at opisyal upang matunton ang virus carriers.
Gayunman, ayon sa mga eksperto kinakailangang mas may gawin pa ang pamahalaan ng nasabing bansa gayundin ang partisipasyon ng publiko tungkol dito.
"This is the time to send an impactful message to the public, so that they can take voluntary actions," sabi ni Kim Dong-hyun, pangulo ng Korean Society of Epidemiology at propesor sa Hallym University College of Medicine.
Samantala, sa ilalim ng Phase 3 lockdown, ang mga essential workers lamang ang papayagang pumasok sa mga opisina at ang mga gatherings ay maaaring gawin ng mas mababa sa 10 katao.