ni Eli San Miguel - Trainee @News | March 5, 2024
SEOUL, South Korea — Itutuloy ng gobyerno ng South Korea ang kanilang pangako na isuspinde ang lisensya ng maraming doktor na patuloy na hindi sumusunod sa kanilang hiling na tigilan ang mga protesta.
Nasa 9,000 mula sa 13,000 na mga medical interns at residente sa bansa ang tumigil sa kanilang trabaho nang halos dalawang linggo para magprotesta laban sa mga plano ng pamahalaan na magdagdag ng medical school admissions.
Hindi sumunod ang mga nagprotestang trainees sa ibinigay na deadline ng gobyerno noong Pebrero 29 na dapat silang bumalik sa trabaho o haharap sila ng legal na aksyon, kasama na ang posibleng pag-aresto o suspensyon ng kanilang medical license.
Nalaman ng gobyerno ang hindi pagbalik sa trabaho ng 7,800 junior doctors, kaya’t sinabi ni Vice Health Minister Park Min-soo na magbibigay sila ng mga abiso ng license suspension simula nitong Martes.
“As soon as their violations of the back to work orders are confirmed, we will send out advance notice of administrative measure starting today,” pahayag ni Park.
Sa ngayon, sinabi ng health minister na halos 9,000 trainee doctors ang nananatiling hindi nagtatrabaho, isang bilang na hindi gaanong nagbago sa loob ng nakaraang dalawang linggo.